SJMVA, nagkaloob ng Php30,000.00 bilang retirement benefit sa mga pari

Sa ngalan po ng ating Diocesan Administrator Rev. Fr. Elino P. Esplana, Spiritual Director Rev. Msgr. Ramon Magdurulang, mga kaparian at pandiyosesis ng pamunuan ng Samahan ni San Juan Maria Vianney, nagpapasalamat po ako ng marami sa inyong pagdalo sa ating pangdiyosesis na pangkalahatang pagpupulong at piyesta ng ating kaparian alang-alang sa kapistahan ng kanilang Patron San Juan Maria Vianney. Maraming salamat din po lalo’t higit sa host parish ngayong taon, ang Parokya ng Mahal na Puso ni Hesus sa pamumuno ng masipag na Lingkod Pari, Rev. Fr. Joseph Ian Retardo kasama ang Parish Pastoral Council at Pamparokyang Yunit ng Samahan sa mainit na pagtanggap at napakagandang preparasyon upang maging matagumpay ang nasabing pagdiriwang. Sa kasalukuyan po ang ating kasapian ay nasa 9,121 lamang as of July 11, 2013 pagkaraan ng pitong taon mula ng itatag ang ating samahan. Napakalayo pa nito sa ating target na 20,000 na kasapian na ating pinakamimithi upang makapagbigay ng Php10, 000 honorarium sa lahat ng kaparian ng diyosesis buwan buwan. Matatandaan na nabanggit ng ating dating Obispo Reynaldo G. Evangelista na kung ang 10% ng 20,000 katoliko sa Diyosesis ng Boac ay maging kasapi at magbigay ng Php20 buwan buwan ay sapat na ang Php400,000 buwan buwan para matugunan at bigyan ng buwanang “honorarium” ang 35 na mga mga pari dito sa ating diyosesis. Mayroon din pong report na maaaring kaya bumaba o naging inactive ang ilang kasapian ay dahil hindi nila nararamdaman ang tulong ng samahan ni San Juan Maria Vianney sa mga kasapian. Hayaan po nating ilahad ang mga activities ngayong taon na nagawa ng ating samahan para sa mga kaparian.  Unang-una po ay nang magdiwang ng ika-65 na taon kaarawan ang ating 2 pari ay nagkaloob po tayo Php30,000.00 bawat isa bilang retirement benefit sa kanila at nagpabaon din tayo sa paglipat ng ating mahal na Obispo ng ganood ding halaga. Sa kanilang Christmas Party, Family Day, Annual Retreat sa Tagaytay, SOLTARE, Medical at Hospitalization kasama na ang pagpapaopera, token sa 2 inordenang pari at share sa birthday at sacerdotal celebration  ay nagkaloob din po tayo ayon sa halagang kailangan nila. Mayroon pong nagsuggest na dapat kahit Php3,000 buwan buwang honorarium ay magbigay na sa kaparian pero base sa report ng ating Treasurer Sis. Beth Lambon, hindi pa sapat ang ating nalilikom lalo ngayon na bumaba ang koleksyon mula sa ilang parokya ngayong taon.  Binabati kop o ang Parokya ng Inmaculada Concepcion, Boac at San Isidro Labrador ng Mogpog sa pananatili nilang “consistent” sa pagbibigay ng kanilang collection. Salamat sa kanilang Pamparokyang Yunit na pamunuan at sa kanilang Lingkod Pari. Salamat po sa lahat ng 14 na parokya at nagkaroon ng nobenaryo sa karangalan ng Patron ng Pari, San Juan Maria Vianney at mayroon na lahat ng imahen ni San Juan Maria VIanney. Alalahanin po natin na bilang kasapi hindi lamang tayo magbibigay ng tulong pinansiyal kundi mananalangin parin tayo sa ating kaparian at kapwa kasapi kaya nga po tayo ay tinatawag na “praying community”. Noong July 26, 2013 sa unang araw ng nobenaryo ay nagkaroon ng fund raising activity sa parokya ni San Isidro Labrador na pinamagatang “Dance with my Father” kung saan ako ay dumalo at nakita ko ang pagpapahalaga ng mga mananampalataya sa ating kaparian. Katulad din pamparokyang pagdiriwang ng Samahan ni San Juan Maria Vianney sa Parokya ni San Jose Manggagawa sa Malabon sa pamumuno ng kanilang Lingkod Pari Rev. Fr. Jovin Grimaldo. Doon mo mararamdaman na marami ang nagmamahal sa kanila at nararamdam din ng iba na mayroon palang Samahan ni San Juan Maria Vianney na nagkakalinga, nagmamahal at nananalangin para sa kaparian ng diyosesis. Sana po ay patuloy nating suportahan ang Samahang ito at huwag tayong manghinawa sa pagbibigay n gating tulong  pinansyal lalo’t higit tayo ay nasa ika 8 taon na ng pagkakatatag. Ipakita po natin sa susunod na uupong Obispo ng ating diyosesis na ang Samahan ni San Juan Maria Vianney ay isang aktibong samahan ng mga layko na handang tumulong , magmahal at manalangin para sa kaparian. Humihingi po kami ng paumanhin sa mga kasapi na nitong nagdaang taon ay wala tayong ginanap na mga Vicarial Recollection para patatagin ang ating maka Vianney na espiritwalidad pero ngayong taon po ay sisiguraduhin nating magkaroon na tayo ng mga recollection sa tulong ng ating Administrator, Rev. Fr. Elino Esplana. Ipinaalam ko po sa lahat na ang ating Pangdiyosesis na pagpupulong kasama ang kinatawan ng 14 na Pamparokyang Yunit ay ginaganap QUARTERLY o 4 na beses sa isang taon at ang pangdiyosesis na pangkalahatang pagpupulong ay isang beses sa isang taon sa unang lingo ng Agosto. Sa ngayon po ay nagbigay na tayo ng mga target sa bawat pamparokyang yunit upang maabot natin ang 20,000 kasapian at sana matupad natin sa pagsapit ng ika-10 taong Anibersaryo ng ating samahan.