PAGIGING KATIWALA: KONKRETONG PANANAMPALATAYA SA GAWA

Ang pagiging katiwala ay isang konsepto mula sa Banal na Kasulatan na bumubuo ng kristiyanong paniniwala o pananampalataya, na bawat-isa sa atin ay biniyayaan o pinagpala ng Diyos ng mga natatanging talino, kakayanan, kayamanan at mga pagkakataon. Tayo rin mismo ay tinatawag na linangin at paunlarin ang mga biyayang ito para sa kabutihan nating lahat ngayon at ng mga susunod na henerasyon. Dahil dito tayo ay inatasan ng Lumikha bilang Kanyang katiwala o tagapangalaga ng sangnilikha, nangangahulugan tayo’y walang tunay na pag-aari, na masasabing sa akin, sa iyo, sa kanya. Sa halip tayo ay gumagawa sa ngalan ng isang mapagmahal ngunit mahigpit na Diyos na inaasahang tayo ay magsususlit sa Kanya kung paano natin ginamit ang mga pagpapala na ipinagkatiwala sa ating pangangalaga. Bilang nangungunang tagapangasiwa tayo ay tinawag hindi upang waldasin kundi pangalagaan ang biyayang kalikasan at ang ating kapwa tao. Ito ang batayang kahulugan ng ating maka-taong pananagutan at tunay na kahulugan at kalikasan ng pagiging katiwala sa liwanag ng ating kristiyanong pananampalataya. Hinihingi ni Papa Benedikto sa “Porta Fidei”, na ating isabuhay ang ating pananampalataya o ipikita ito sa gawa. Itanong natin ano ang ginagawa natin sa ating pananampalataya. Hinahamon tayo na isabuhay ito sa pamamagitan ng ating ugali, gawi at gawa. Ang Pagiging Katiwala ay konkretong pananampalataya sa gawa. Ang Pagiging tunay na Katiwala ay gawi ng buhay at marapat na landas ng buhay. Ito ay masasabi nating ispiritwalidad o kabanalang magpapalalim ng ating relasyon sa Diyos, tunay na pagsasabuhay ng Salita ng Diyos, at pagsasa-ayos ng mga pinapahalagahan natin sa buhay.

IKAPU PARA SA ATING KALIKASAN

Lahat tayo marahil ay pamilyar sa konseptong biblikal ng “tithing o ikapu”, ang paghahandog ng ikasampung bahagi ng ating kinikita. Ito ay tatak ng isang mabuting katiwala. Ang ganitong kaisipan ay maari nating magawa para sa ating kalikasan. Paano? Maari ba nating mapaliit ng sampung porseyento ang konsumo sa koryente? Maari ba nating mabawasan ng sampung porseyento ang konsumo natin ng gas sa pagi-init? Maari ba nating matipid ng sampung porseyento ng paggamit ng tubig? Maari nating mabawasan ng sampung porseyento ang mga kinakain na ina-angkat pa natin sa malalayong lugal? Kaya ba nating mag-invest ng ikasampung porseyento ng ating kinikita sa pundo na nagtataguyod ng pagsusustine ng ating kalikasan? Kung kaya o magagawa natin ang mga ito, maari ba nating ang halaga na ating natipid ay mai-ambag natin sa mga kilusan na nagtataguyod ng pagpapanauli ng ating sirang kalikasan? Magagawa natin ito araw-araw sa tahanan, sa paggawaan, sa paaralan, sa tanggapan at sa ating lipunan tungo sa pagtataguyod at pagpapanatili ng ating sustinableng daigdig.  Ito ay konkretong pananampalataya sa gawa.