“DANCE WITH MY FATHER” ALAY PARANGAL PARA SA MGA KAPARIAN

Mogpog, Marinduque- Sa pakikipagtulungan ng Samahan ni San Juan Maria Vianney at ng Parish Pastoral Council ng Parokya ni San Isidro Labarador, isang Fund Raising Campaign ang isinagawa sa nasabing parokya upang parangalan ang mga kaparian sa karangalan ng kanilang santo patron, San Juan Maria Vianney at upang makalikom ng pera sa patuloy na pagsasaayos ng Simbahan noong ika 26 ng Hulyo 2013 sa covered court ng Mogpog.

Sa kabila ng malakas na ulan, naidaos ng matagumpay ang nasabing gawain na pinasimulan sa isang panimulang panalangin at isinunod ang Rigodon de Honor ng mga piling kasapi ng ilang samahang banal at ng mga hermano at hermana ng taon. Dumalo sa nasabing okasyon ang mga Barangay Pastoral Council, mga kaparian sa Bikarya ng Boac at mga bisita mula sa iba’t-ibang bayan ng Marinduque para makiisa sa Raffle Draw na bahagi ng nasabing Fund Raising. Nagkaroon din ng pagkakataon ang mga mananampalataya na maisayaw ang mga kaparian sa saliw ng tugtog na “Dance with my Father”. Higit na naging masigla ang gabi ng parangal nang sinimulan na ang Unity Dance na sinayawan ng lahat.

Lubos na nagpapasalamat ang Kura Paroko, Reb. Pdre. Senen P. Milambiling, sa lahat ng mga tumulong at nakiisa sa gawaing ito upang maging matagumpay at higit na maging makabuluhan ang kanilang pagdiriwang ng Kapistahan ni San Juan Maria Vianney. Hangad niyang maging daan ito upang mailapit ng mga kaparian ang mga mananampalataya sa ating Panginoon.