Yes or No

Tayong mga Pilipino ay kilala sa pagiging relihiyoso at madasalin. Lahat ng ating gusto at kailangan ipinagdarasal nating maibigay ng Diyos, pero paano kung hindi niya kayang maibigay lahat?

Sa isang tula na nabasa ko sa internet “When God say No” naisip ko tuloy sa dami nating hinihingi sa Diyos naiibigay kaya niya lahat? Napagbibigyan kaya niya ang lahat ng humuhingi sa kanya? Sa tula na nabasa ko nakapukaw sa aking pansin ito; “I asked God for all things that I might enjoy life. God said, No. I give your life so that you may enjoy life”… minsan lahat hinihingi natin sa Diyos kahit hindi na natin kailangan. Minsan humihingi tayo ng maraming bagay dahil hindi tayo kuntento kung ano ang meron tayo. Humihingi tayo ng maraming bagay para makapag-enjoy sa buhay. Pero minsan hindi ito binibigay ng Diyos agad-agad, kung baga may tamang panahon ang kanyang pagbibigay. Hindi laging YES ang sagot, sometimes God answers a big NO.

May mga tao namang kapag hindi agad napagbigyan ng Diyos ay nagagalit, nagtatampo, napapagod magdasal ang gusto ay laging instant, agad-agad. Anong akala nila sa Diyos “vendo machine?” na kapag hinulugan mo ng pera ay may soft drinks na malalaglag. Hingi tayo ng hingi pero tinanong ba natin sa Diyos kung ok lang at kung ano ang gusto niya? Tapos kapag hindi niya naibigay ang gusto magagalit. Sa totoo lang wala tayong karapatang magalit o magtampo. Mas mainam pa nga na tayo’y maghintay, magdasal at magtiwala na ibibigay N’ya ito. Hindi madamot ang Diyos, alam kasi N’ya kung makakabuti o makakasama sa atin ang mga hinihingi natin. Alam N’ya kung kailan ibibigay sa atin, dahil ang lahat ay may dahilan at may tamang panahon.

Sa unang tingin parang napakahirap maintindihan ang karunungan ng Diyos pero kung inyong titingnan, nais lang Niya siguro tayong matutong maghintay at magtiwala sa kanya. Hindi naman N’ya ipagdadamot ang gusto natin, kung para sa ikabubuti natin at sana hayaan natin ang kalooban N’ya ang masunod hindi yung sa atin. Sadya ngang nakakabagot maghintay pero hindi instant ang Diyos. Matuto tayong magtiwala na tutuparin niya ito at maghintay na darating ito sa atin. Sana hindi tayo isa dun sa mga taong tinuturing na vendo machine ang Diyos na paglagay mo ng pera merong malalaglag na softdrinks matuto tayong maghintay at magtiwala.