INSTRUMENTO SA MALALIM NA PAG-UNAWA NG NILALAMAN NG ATING PANANAMPALATAYA

“Ang muling pagtuklas ng nilalaman ng pananampalataya na ipinahahayag, ipinagdiriwang, at isinasabuhay, at ang pagnilayan ang mga gawain ng pananampalataya, ay gampanin ng bawat mananampalatayang kristiyano na dapat angkinin sa kanyang sarili, lalo na sa panahon ng Taon ng Pananampalataya” (PF#9).

Hangad ng ating Banal na Ama Benedicto XVI na ibanghay sa atin ang tahakin na makatutulong sa atin, na hindi lamang higit na maunawaan ang nilalaman ng ating pananampalataya, kundi ang mismong gawain ng pananampalataya, kung kailan pinipili natin na ipagkatiwala ang buo nating sarili sa Diyos. Sa katunayan may malalim na kaisahan ang gawain ng pananampalataya at ang nilalaman ng sinasampalatayanan na ating buong pusong tinatanggap. Malinaw ang sinasabi ni San Pablo: “sapagkat nananalig ang tao sa pamamagitan ng puso, at sa gayo’y napawa-walang-sala; at nagpapahyag sa pamamagitan ng kanyang labi at sa gayo’y naliligtas” (Rom 10:10). Sinasabi na ang pananampalataya ay regalo ng Diyos at ang aksyon ng grasya o biyaya ang nagpapakilos at nagpapabago sa puso o kalooban ng tao. Ang kaalaman sa nilalaman ng dapat sampalatayanan ay hindi sapat, kailangan ang puso, ang tunay na lugal na banal sa loob ng tao, na bukas sa grasya upang makita sa labas, at maunawaan na ang ipinahayag ay Salita ng Diyos. Ang pagpapahayag sa pamamagitan ng labi ay nangangahulugan na ang pananampalataya ay hayagang pagsaksi at pagtatalaga. Hindi dapat isipin na ang pagsampalataya ay lihim o pribabong gawain. Ang pagsampalataya ay pasiyang tumayo at manatili sa Panginoon. Ang manatili sa Panginoon ay tumutukoy sa pag-unawa ng mga dahilan ng pagsamapalataya. Kaya nga ba ang pagsampalataya ay isang gawang malaya, at dahil dito may sosyal na pananagutan sa pinaniniwalaan. Malinaw na ang pagsampalataya ay kaakibat ang walang takot na pagpapahayag nito sa kapwa. At ang biyaya ng Espiritu Santo ang nagpapagingdapat saatin para sa misyon at nagbibigay-lakas sa ating pagpapatotoo.

Ang pagpapahayag ng pananampalataya ay kapwa gawang personal at pang-komunidad. Nangunguna ang Simbahan sa gawang pagsampalataya. Sa pananampalataya ng mga unang Komunidad ng mga Kristiyano, ang bawa’t isa ay tumatanggap ng Binyag, isang epektibong tanda ng pagsanib sa grupo ng mananampalataya upang magkamit ng kaligtasan.

Sa pagunawa sa nilalaman ng pananampalataya, kailangan ang buong isip at pusong pagtanggap ng tao sa mga inihahayag ng Simbahan. Ang pag-unawa sa pananampalataya ay nagbubukas sa kaganapan ng mapagligtas na hiwagang ibinunyag ng Diyos. Ang pagtanggap ng buong isip at puso ay nangangahulugan, na kapag tayo’y sumampalataya, malaya nating tinatanggap ang buong hiwaga ng pananampalataya, dahil ang taga-garantiya ng katotohanan ay Diyos, na nagpakilala ng Sarili at hinahayaan Niyang mabatid natin ang hiwaga ng Kanyang pagmamahal.

Ang mahalaga at di dapat mawalang instrumento sa muling pagtuklas natin sa isang sistematikong pagunawa sa nilalaman ng pananampalataya ay ang Katesismo ng Simbahang Katoliko. Ito ay isa sa mga pinakamahalagang bunga ng ika-2 Konsilyo Batikano. Sabi ni Beato Juan Pablo II: “ang katesismong ito ang pinakamahalagang ambag sa gawain ng pagpapanibago sa buong buhay ng Simbahan . . . pinagtitibay ko ito na isang balido at lehitimong instumento para sa kaisahan ng Simbahan at tiyak na batayan sa pagtuturo ng pananampalataya.” Dahil dito, sa Taon ng Pananampalataya ay dapat makita ang nagkakaisang pagsisikap na tuklasing muli at pagaralan ang mga batayang nilalaman ng pananampalataya na may sistematiko at malamang pagbubuod sa Katesismo ng Simbahang Katoliko. Dito nakikita natin ang yaman ng aral na tinanggap, pinangalagaan, at ipinasa sa pagtuturo ng Simbahan sa kanyang mahigit ng dalawang-libong taon ng pagiral. Sa pagkakabalangkas, ang Katesismo ng Simbahang Katoliko ay sumusunod sa pag-unlad ng pananampalataya hanggang sa mga mahalagang usapin sa pangaraw-araw ng buhay. Sa bawat pahina makikita natin na ang isinisiwalat ay hindi mga teoriya, kundi pakikipagtagpo sa isang Persona na nabubuhay sa Simbahan. Ang Pahayag ng Pananampalataya ay sinusundan ng salaysay ng pamumuhay sa mga sakramento, kung saan presente ang Panginoong Hesukristo, kumikilos at patuloy na pinatatatag ang Simbahan. Kung wala ang mga sakramento, ang pagpapahayag ng pananampalataya ay hindi ganap ang epekto, sapagkat magkukulang sa biyaya na susuporta sa kristiyanong pagpapatotoo o pagsaksi. Sa ganito ring sukatan, ang turo ng Katesismo tungkol sa moral na pamumuhay ay nagkakaroon ng ganap na kahulugan kung kaugnay ng pananampalataya, liturhiya at pananalangin.

Sa makatuwid, sa Taon ng Pananampalataya, ang Katesismo ng Simbahang Katoliko ay magsisilbing insrumento na tunay na magbibigay tulong sa pananampalataya, lalo na sa mga kristiyanong tagapaghubog. Ang ating Pambansang Katesismo “Katesismo para sa Katolikong Pilipino”, na nakabatay sa Katesismo ng Simbahang Katoliko, ngunit may mahalagang pagsasaalang-alang sa kultura at kalagayan ng Pilipinas at mga dekreto ng Ikalawang Konsilyo Plenaryo ng Pilipinas at mga napapanahong pahayag ng Kalipunan ng mga Obispo ng Pilipinas, ay malaking tulong sa paghuhubog at pagpapalago sa pananampalataya nating mga Katolikong Pilipino.