Diocese of Boac

Marinduque, Simbahan ng mga Dukha na may Katarungan, Pag-ibig at Kapayapaan

UNANG DIOCESAN MEDIA PRACTITIONERS` SEMINAR, GINANAP

By Diocese of Boac • Mar 11th, 2013 • Category: Diocesan News

Nagkaroon ng pag – aaral ang mga photographers at videographers sa Diyosesis sa kauna – unahang Media Practitioner`s Seminar na ginanap sa lumang kumbento ng Parokya ng Banal na Krus, ika – 12 ng Pebrero, 2013.

Pinangunahan ng Commission on Social Communications sa pakikipagtulungan ng Commission on Liturgy ang nasabing gawain ay naglalayong mabigyan ng impormasyon ang mga photographers at videographers sa mga dapat at hindi dapat gawin habang kumukuha ng larawan/video sa simbahan, lalo na sa loob ng Pagdiriwang ng Banal na Misa. Naging tagapagsalita sa Reb. P. Milliemar M. Perin, kura paroko ng Parokya ni Maria Mapag – ampon sa mga Kristiyano at direktor ng Commission on Liturgy sa Diyosesis, na nagbigay ng mga mahahalagang alituntuning dapat isaalang – alang ng mga photographers at videographers.

Nagsimula ang seminar ganap na ika – 9 at kalahati ng umaga sa pamamagitan ng isang panalangin. Sinundan ito ng pagtanggap na pananalita ng kura paroko ng Parokya ni San Jose ang Manggagawa at direktor ng Commission on Social Communications na si Reb. P. Jovin Grimaldo. Ipinakilala niya ang mga opisyal ng komisyon. Nagkaroon din siya ng maikling pagpapaliwanag sa mga dahilan ng pagsasagawa ng nasabing seminar. Pagkatapos ay ipinakilala naman ni Reb. P. Christian Regencia ang tagapagsalita na si P. Perin.

Sa kanyang pananalita, binigyang diin ni P. Perin ang mga mahahalagang gawain sa loob ng Pagdiriwang ng Banal na Misa tulad ng prusisyon sa pagsisimula ng pagdiriwang, paghahandog ng mga alay, pagtanggap ng Banal na komunyon at iba pa. Sinabi niya na ang mga ito ay masusing iniingatan ng Simbahan kaya`t ang mga tagapagsilbi ay kailangang mabigyan ng katesismo at pagsasanay sa mga dapat gawin, hindi lamang ang mga tagabasa, altar servers o sakristan, mga akolito at koro, kundi pati na rin ang mga kumukuha ng mga larawan at video, lalo na sa mga kasalan at mga kapiyestahan. Iniugnay niya ang media sa liturhiya at nagbigay ng mga alintuntuning dapat isa alang alang upang magkaroon ng maayos na ugnayan ang dalawang aspeto.

Pagkatapos ng pananalita ay nakaroon ng open forum upang bigyang linaw ang mga katanungan ng mga dumalo. Naghalal din ng mga opisyal ng mga photographers at videographers at pinangalanan ang samahan na Diocesan Media Practitioners’ Association. Sa pangkalahatan ay naging matagumpay naman ang gawain.

Inaasahang hindi ito ang huling pagsasama – sama ng mga photographers at videographers sa Diyosesis. Napakasunduang magkakaroon ng seminar taon – taon para sa mga karagdagang impormasyon tungkol sa papel ng media na may kinalaman sa liturhiya. – Cathy Flores

Matagumpay na naisagawa ang medical mission noong ika-4 hanggang ika-8 ng Pebrero taong kasalukuyan sa bagong gusali ng Marinduque Provincial Hospital. Naging matagumpay ang gawaing ito dahil sa inisyatiba ng Diyosesis ng Boac sa ilalim ng Diocesan Social Action Commission. Naging tagapagtangkilik ng gawaing ito ang Risen Savior Mission sa pangunguna ni G. Jerry Krosnowski at ng Feed My Starving Children sa pangunguna ni G. Mat Muraski. Naging mahalagang bahagi din ng medical mission na ito ang mga doktor at medical staff na dumating mula sa ibang bansa na nagbahagi ng kanilang oras at talino.

Dumagsa ang mga tao mula sa iba’t-ibang parokya ng diyosesis upang makakuha ng libreng checkup, minor operation, gamot at salamin sa mata. Tinatayang nasa 2, 907 (1, 838-medical; 863-optical; 206-surgical [minor operation]) katao ang nabigyan ng tulong medikal sa ginawang medical mission na ito. May ilang pasyente na nangangailangan ng major operation ang ipina confine ng libre sa Maynila.

Ang isinagawang medical mission na ito ay pagtugon sa hinihingi ng dekreto 71 ng Unang Sinodo ng Diyosesis ng Boac na nagsasaad ng ganito: Magtalaga ng mga manggagamot na kakalinga sa mga maysakit at nangangailangan, at magkaroon ng konkreto at regular na programa para sa Medical Mission.

Naging maayos ang daloy ng gawaing ito sa pamumuno ng Obispo Reynaldo Evangelista, kaagapay ang director ng Social Action Commission, Fr. Allan Malapad, ang kanyang assistant director, Fr. Ian Retardo at ang gumanap bilang Medical Mission Director, Fr. Joedy Arias. Naging kaagapay din sa gawaing ito ang mga volunteers at staff ng Social Action Commission, mga volunteer nurses at doctors mula sa ating probinsya at mga nursing students ng Marinduque State College.

Labis na natuwa ang Medical Staff mula sa ibang bansa dahil sa maayos na daloy ng Medical Mission at nagpahayag sila na makalipas ang dalawang taon, muli silang babalik dito sa ating diyosesis upang magsagawa ulit ng ganitong gawain. – Pulso News