Diocese of Boac

Marinduque, Simbahan ng mga Dukha na may Katarungan, Pag-ibig at Kapayapaan

MEDICAL MISSION SA DIYOSESIS, MATAGUMPAY

By Diocese of Boac • Mar 11th, 2013 • Category: Diocesan News

Matagumpay na naisagawa ang medical mission noong ika-4 hanggang ika-8 ng Pebrero taong kasalukuyan sa bagong gusali ng Marinduque Provincial Hospital. Naging matagumpay ang gawaing ito dahil sa inisyatiba ng Diyosesis ng Boac sa ilalim ng Diocesan Social Action Commission. Naging tagapagtangkilik ng gawaing ito ang Risen Savior Mission sa pangunguna ni G. Jerry Krosnowski at ng Feed My Starving Children sa pangunguna ni G. Mat Muraski. Naging mahalagang bahagi din ng medical mission na ito ang mga doktor at medical staff na dumating mula sa ibang bansa na nagbahagi ng kanilang oras at talino.

Dumagsa ang mga tao mula sa iba’t-ibang parokya ng diyosesis upang makakuha ng libreng checkup, minor operation, gamot at salamin sa mata. Tinatayang nasa 2, 907 (1, 838-medical; 863-optical; 206-surgical [minor operation]) katao ang nabigyan ng tulong medikal sa ginawang medical mission na ito. May ilang pasyente na nangangailangan ng major operation ang ipina confine ng libre sa Maynila.

Ang isinagawang medical mission na ito ay pagtugon sa hinihingi ng dekreto 71 ng Unang Sinodo ng Diyosesis ng Boac na nagsasaad ng ganito: Magtalaga ng mga manggagamot na kakalinga sa mga maysakit at nangangailangan, at magkaroon ng konkreto at regular na programa para sa Medical Mission.

Naging maayos ang daloy ng gawaing ito sa pamumuno ng Obispo Reynaldo Evangelista, kaagapay ang director ng Social Action Commission, Fr. Allan Malapad, ang kanyang assistant director, Fr. Ian Retardo at ang gumanap bilang Medical Mission Director, Fr. Joedy Arias. Naging kaagapay din sa gawaing ito ang mga volunteers at staff ng Social Action Commission, mga volunteer nurses at doctors mula sa ating probinsya at mga nursing students ng Marinduque State College.

Labis na natuwa ang Medical Staff mula sa ibang bansa dahil sa maayos na daloy ng Medical Mission at nagpahayag sila na makalipas ang dalawang taon, muli silang babalik dito sa ating diyosesis upang magsagawa ulit ng ganitong gawain. – Pulso News