Ika-6 na pagdiriwang ng Pandaigdigang Linggo ng Misyon sa Diyosesis ng Boac, matagumpay na idinaos.

“Together, we will make History”-mga katagang nagsilbing baon sa mga nakiisa sa ika-6 na pagdiriwang ng Pandaigdigang Linggo ng Misyon sa ating diyosesis sa Parokya ng Mahal na Puso ni Hesus, Oktubre 20-21.

Kaalinsabay ng kanonisasyon sa Roma ng ikalawang Pilipinong Santo na si San Pedro Calungsod, natipon ang mahigit kumulang na 200 kalalakihan mula sa ibat-ibang parokya ng diyosesis at iba’t-ibang samahang lokal at pampamahalaan sa lalawigan ng Marinduque upang makiisa sa pagdiriwang ng Pandaigdigang Linggo ng Misyon na may temang “Called to Radiate the Word of Truth.”

Sa unang araw ng pagtitipon ay nagkaroon ng Holy Hour na pinangunahan ni Reb. Christian San Juan. Nagbahagi si Reb.P. Ian R. Retardo, Pandiyosesis na Direktor ng Misyon, ng mga aral tungkol sa ating pagiging misyonero. Tinalakay ang buhay at mga aral ng dalawang Pilipinong Santo, San Lorenzo Ruiz at San Pedro Calungsod. Isang regalo mula sa nagdaang taon ng Misyon ang kanonisasyon ni San Pedro Calungsod na isang kabataang misyonero na naging martir noong 1672 sa Marianas Island. Sa kabila ng kalakasan at kaliksihan ng katawan ay hindi inabandona ang kasama niyang Pari. Nagtapos ang unang araw sa isang simpleng “jamming” upang magkakilanlan ang bawat isa.

Tampok sa ikalawang araw ang “Team Building” na sumubok sa pagkakaisa at kooperasyon ng bawat kalalakihan. Isa sa mga naging panauhing tagapagsalita si Bro. Anthony Dameg mula sa Pontifical Mission Societies of the Philippines. Binigyang linaw niya a ng kahalagahan ng mga salaping nakokolekta tuwing World Mission Sunday sa lahat ng bansa. Naging tagapagsalita din ang National Director ng Pontifical Mission Societies of the Philippines na si Reb. P. Socrates Mesiona. Nagbahagi siya ng mga aral at karanasan bilang isang misyonero.

Nagtapos ang pagdiriwang na ito sa pamamagitan ng “Motorcade” patungong Katedral ng Inmakulada Konsepsiyon upang pormal na pasinayaan ang pagbubukas ng taon ng pananampalataya sa ating diyosesis. Pinangunahan ng Lubhang Kgg. Reynaldo G. Evangelista, obispo ng Boac, ang misa konselebrada upang pormal na ilunsad ang Taon ng Pananampalataya na binuksan noong ika-11 ng Oktubre 2012 at magtatapos sa ika-24 ng Nobyembre 2013, Dakilang kapistahan ng Kristong Hari. -kevin mansia