BISITA PASTORAL SA PAROKYA NI MARIA MAPAG – AMPON, ISINAGAWA

MHCP, Balimbing, Boac – Binisita ng Lubhang Kgg. Reynaldo G. Evangelista, D.D., Obispo ng Boac, ang Parokya ni Maria Mapag – ampon sa mga Kristiyano, Setyembre 23 – 25, 2012.

Kasama sa mga sumalubong sa Obispo, pagkatapos ng unang misa, ang bagong Kura Paroko na si Reb. Padre Milliemar M. Perin, ang dating Kura Paroko na si Reb. Padre Edison M. Lotilla, mga miyembro ng Samahang Banal, mga opisyal ng barangay, at mga mananampalataya. Pinasigla ng Drum and Glockenspiel Corps ng Mataas ng Paaralang Pambansa ng Ilaya ang pagsalubong at parada, na nagsimula sa boundary ng Balimbing at Boton hanggang sa simbahan ng parokya.

Sa simbahan ay nagkaroon ng maikling mensahe ng pagtanggap ang pangulo ng Parish Pastoral Council na si Bro. Noel Malangis. Pagkatapos nito ay ang pagdiriwang ng Banal na Misa sa pangunguna ng Mahal na Obispo. Sa loob ng pagdiriwang ay isinagawa ang pagbibigay ng Sakramento ng Kumpil at pagpapakilala sa sambayanan kay Fr. Perin, na noon ay tatlong linggo pa lamang na naglilingkod bilang Kura Paroko ng Maria Mapag – ampon. Bago matapos ang pagdiriwang ay pormal namang binuksan ang isang taong paghahanda para sa ika – 60 anibersaryo ng parokya.

Unang binisita ng Obispo ang barangay ng Pawa, sentro ng cluster 1 (Balimbing, Boton, Pawa, Tagwak). Sa ikalawang araw naman, ika – 24 ng Setyembre, ay ang mga barangay ng Bantay at Mainit, sentro ng clusters 2 (Bantay, Ogbac, Agumaymayan) at 3 ( Catubugan, Balagasan, Mainit), at Brgy. Mahinhin naman sa ikatlong araw, na sentro naman ng cluster 4 (Mahinhin at Hinapulan). Sa bawat barangay na kanyang binisita ay nagdiwang siya ng Banal na Misa, na sinundan ng pagpupulong kasama ang mga kasapi ng Batayang Pamayanang Kristiyano (BPK). Bilang pagtatapos ng Bisita Pastoral ay nagkaroon ng closing program sa ikatlong araw, ika – 25 ng Setyembre sa harapan ng kumbento, kung saan ay nagkaroon ng mensahe ang mga pinuno ng mga Samahang Banal sa parokya, gayundin ang mga kumatawan sa Hermano at Hermana. Sa mensahe ng Obispo, sinabi niya na malaki ang naging pagbabago ng parokya, lalo na sa buhay pananampalataya ng mga mamamayan, at isa sa mga patunay ay ang pagsasaayos ng kumbento ng parokya. Kung hindi nagkakaisa at nagtutulungan ang mga mamamayan, hindi magiging matagumpay ang pagpapaayos nito. Pinasalamatan niya ang dating pari na si Fr. Lotilla sa ginawang pag – akay sa kawang sa kanya’y ipinagkatiwala. Isang hamon naman ang kanyang iniwan sa bagong pari na si Fr. Perin: ang lalo pang paglalimin ang pananampalataya ng mga taga parokya.