Paghuhubog at Paghahanda sa Gawain ng Kantor (Choir)

Ang awit ay mahalagang bahagi ng liturhiya lalung-lalo na sa pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya. Ito ay nakatutulong upang ipahayag ang kaisahan ng pananampalataya at pagmamahal ng bawat nakikipagmisa. Nagpapahayag din ito ng iisang damdamin ng kagalakang angkop sa pagdiriwang sa Araw ng Panginoon na kung saan ay isinasangayon ang Muling Pagkabuhay ng Panginoon. Nakakatulong din ang awit upang higit na maramdaman ang solemnidad ng pagdiriwang. Dahil dito dapat na maging maingat sa paghahanda at pagpili ng mga awit sa mga banal na pagdiriwang lalo na sa Misa. Kinakailangang ang titik at himig ng isang awit ay angkop sa kahalagahan at solemnidad ng pagdiriwang. Hindi sapat na batayan ang pagiging bago o pagiging maganda sa pandinig ng isang awitin upang matawag na itong angkop sa pagdiriwang at makapasa sa pamantayan ng pagpili ng wastong awitin.

Higit na magiging maayos ang gawain ng isang kantor kung magkakaroon ng tamang paghuhubog at paghahanda sa kanila bilang mga lingkod ng Panginoon. Ito ang isa sa mga bagay na kalimita’y nakakaligtaan ng mga lingkod-pari. Dapat nating isaalang-alang na kung ang awit ay mahalagang bahagi ng mga banal na pagdiriwang gayundin naman ang mga kantor. Dahil dito kinakailangang hubugin din sila upang higit na maging malinaw ang tungkuling kanilang ginagampanan at higit na maging makabuluhan para sa kanila ang paglilingkod sa Simbahan.

Anu-ano ang kinakailangan sa isang kantor? Una sa lahat, dapat na ang isang kantor o naghahangad na maging kantor ay mayroong tapat at maigting na pagnanasang makapaglingkod sa Panginoon sa pamamagitan ng kanyang pag-awit. Kinakailangang kusang-loob at hindi napipilitan lamang ang isang kantor. Hindi rin angkop na dahil lamang sa pakikisama niya sa barkada o kaya nama’y upang maging kapansin-pansin at sikat sa mga tao. Hindi ayon sa saloobin ng isang lingkod ang ganitong bagay.

Ang pagkakaroon ng biyaya ng maayos na tinig ay isa rin sa mga pangunahing hinihingi upang ang isang mananampalataya ay maging aktibong kasapi ng kantor. Hindi naman kinakailangan ang napakagandang tinig, iyong maayos lamang at hindi lumilihis sa tamang nota. Ang magandang ugali at mabuting pakikisama sa lahat ay isa rin sa kinakailangang katangian ng isang kantor. Hindi siya namimili ng makakasama o kaya nama’y namimili ng oras at pagdiriwang na aawitan. Dapat siyang magkaroon ng kahandaang umawit sa lahat ng oras na kinakailangan ang kanyang paglilingkod.

PAGHAHANDA SA PAGDIRIWANG

Kailangang ihanda ang hanay ng mga aawitin sa loob ng misa o anumang pagdiriwang bago pa man dumating ang takdang araw. Higit na magiging maganda ang paghahanda kung gagawin ito isang linggo bago dumating ang araw na iyon. Sa ganitong paraan magkakaroon pa ng mahabang panahon upang makapag-ensayo ng mga inihandang awitin. Huwag kalilimutang manalangin bago tumupad ng tungkulin o paglilingkod. Ang panalangin ang sikreto ng maayos at makabuluhang paglilingkod sa Diyos at sa kanyang sambayanan. Kinakailangan ding dumating ng mas maaga ang mga kantor kaysa sa mga mananampalataya upang makapagkondisyon na sila ng kanilang mga tinig. Maliban ditto, maari pa silang mag-ensayo kasama ang buong sambayanan.

MGA ALITUNTUNIN SA LOOB NG PAGDIRIWANG

1. Umawit ng maayos, solemne at may damdaming angkop sa titik ng awit at sa tema ng pagdiriwang.

2. Maghanda ng dalawa o higit pang awit para sa mga sumusunod na bahagi ng misa:

a. Prusisyon papasok ng simbahan

b. Pag-aalay

c. Komunyon

d. Prusisyon papalabas ng Simbahan

Ang awit para sa prusisyon papasok sa Simbahan ay natatapos sa sandaling ay pari makahalik sa altar at pumunta sa upuan o pagkatapos kaya ng pag-iinsenso sa dambana kung mayroon nito. Iwasang magkaroon ng mahabang patlang ang mga awit. Isunod kaagad ang ikalawang awit kung kinakailangan. Ang mahabang patlang sa pagitan ng dalawa o higit pang mga awit ay tanda ng hindi kahandaan ng mga kantor.

Ang pag-awit o di pag-awit sa bahagi ng pag-aalay ay ayon sa hinihingi ng pagkakataon: dapat umawit kung mayroong lumalakad pauna para mag-alay; hindi na kailangang umawit kung wala namang nag-aalay. Dapat na maging laging handa ang kantor sa ganitong mga pagkakataon upang hindi na sila makagambala sa mga tao.

Ang komunyon, lalo’t higit ay sa pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya sa araw ng Linggo, ay karaniwang mahaba dahil higit na marami ang mga nakikipagmisa sa araw na ito. Sa ganitong pagkakataon kailangang mayroong sapat na bilang ng awit na inihanda ang kantor. Dapat nilang ipagpatuloy ang pag-awit hanggang sa matapos ang pagpapakomunyon. Titigil lamang sila ng pag-awit sa sandaling matapos na ang mga gawain sa altar at nakabalik na sa upuan niya ang lingkod-pari. Iwasan din ang mahabang patlgang sa pagitan ng mga awit.

Ang awit para sa prusisyon papalabas ng Simbahan ay kailangang ipagpatuloy hanggang matapos ang buong awit. Samakatuwid, hindi dapat tumigil sa pag-awit ang kantor sa sandaling nakarating na sa hulihan ng Simbahan ang mga lingkod sa pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya. Kung paanong nagsimula ang pagdiriwang sa masiglang awitin, gayon din naman dapat tatapusin ang pagdiriwang. Kailangang mapanatili ang masigla at masayang damdamin hanggang sa huling bahaging ito ng pagdiriwang.