Ang lahat ng nilikha ay para sa bawat isa

Nakakalungkot isipin na sa mundo nating ginagalawan, mayroong hindi pagkakapantay-pantay. Ito ang realidad sa kalakhan at mas nakakalungkot isipin na kahit sa munting lipunan, kitang-kita ang hindi pagkakapantay-pantay. May taong lamang na nga sa pinag-aralan, manlalamang pa sa kayamanan. May taong lamang na sa kabuhayan, manlalamang pa sa kapangyarihan. Lamang na nga, kukunin pa ang kahit kakaunting pag-aari ng ibang tao. Sa mga mumunting karanasan ng tao, di ba kung minsan, nanlalamang din siya? Paano na si Juan de la Cruz na kahit kaunti na lang ang meron siya, kukunin pa ng iba na sobra-sobra ang pag-aari? Pantay-pantay naman tayong lahat sa paningin ng Diyos pero bakit may lamang at talunan? Bakit may gahaman at laging naiiwanan?

Ayon sa Ikalawang Konsilyo Batikano: “Itinakda ng Diyos ang lupa at ang lahat ng nilalaman nito para sa lahat ng tao at lahat ng bansa para ang lahat ng mga bagay na nilikha ay makatarungang paghatian ng lahat ng tao sa paggabay ng katarungan na timplado ng maka-Diyos na pagmamahal.” Ayon sa Ikalawang Konsilyo Plenaryo ng Pilipinas “ang isang sitwasyon katulad ng konsentrasyon ng yamang pangkabuhayan at kapangyarihang pampolitikal na nasa kamay lamang ng iilan ay isang pagupasala sa dangal ng tao at sa pakikiisa.” Anupa’t sinabi ni Obispo Bacani sa kanyang aklat, “niliwanag ng PCP II na hindi kalooban ng Diyos na sinuman sa kanyang mga anak ay magkukulang sa mga kinakailangan para sa isang maayos na pamumuhay. Ibig ng Diyos na bawat isa sa atin ay magkaroon ng sapat na mga pag-aaring material kaya binigyan niya ng karapatan ang bawat isa na magmay-ari ng sapat na mga bagay-bagay sa mundo para sa kanyang sarili at para sa kanyang pamilya”. At dugtong pa niya: “Ang implikasyon nito sa sitwasyon sa Pilipinas ay dagling sumusunod: ang karukhaang materyal na paghihikahos ng mahigit sa kalahati ng ating mga mamamayan ay salungat sa kalooban ng Diyos.” (Mula sa unang sinodo ng diyosesis ng boac)