Diocese of Boac

Marinduque, Simbahan ng mga Dukha na may Katarungan, Pag-ibig at Kapayapaan

Mother Butler Guild, itinatag sa Marinduque

By Diocese of Boac • May 18th, 2012 • Category: Diocesan News

Naitatag na rin ang matagal nang minimithing Mother Butler Guild (MBG) na noon pang panahon ng yumaong Obispo Rafael M. Lim ay isa sa mga nais niyang organisahin. Nagdaos ng MBG Orientation/Workshop sa Sacred Heart Pastoral Center: una ay noong ika-15 ng Marso, 2012 na may pitumpu’t anim (76) na nagsidalo mula sa labindalawang parokyang tumugon sa paanyaya. Ang Orientation/Workshop ay ginampanan ng Team mula sa Diyosesis ng Antipolo sa pangunguna ni Sis. Edna G. Bolinao, MBG Coordinator ng South Luzon Region at ang ikalawang orientation/workshop na dinaluhan ng animnapu’t tatlo ay noong ika-9 ng Abril, 2012 na ginampanan ng pamunuan ng Parokya ng Inmaculada Concepcion. Nagbigay rin ng orientation/workshop ang Lingkod Pari ng Parokya ng Our Lady of Peace and Good Voyage ng Balanacan, Rev. Fr. Richard Landig sa labing-isang taga Balanacan upang maragdagan ang kanilang mga kasapi. Isang daan at limampu (150) na ang kasapi ng Mother Butler Guild (MBG) sa 14 na Parokya ng Diyosesis ng Boac. Sa mga nais sumapi, bukas ang pinto ng MBG.

Bunga ng pagsasanay na ito ay inaasahang mapapanatili ang kalinisan, kaayusan at kagandahan ng Altar ng Panginoon para sa makabuluhang pagdiriwang ng Banal na Misa; maihanda ang kagamitan sa Banal na Misa at iba pang kaugnay na pagdiriwang bilang katuparan ng misyon ng Mother Butler Guild.

Ang Induction ng pamunuan ng iba’t-ibang parokya at Installation ng lahat ng mga kasapi ng MBG ay ginanap noong ika-29 ng Abril, 2012 sa loob ng Banal na Misa na pinangunahan ng ating minamahal na Obispo, Lubhang Kgg. Reynaldo G. Evangelista, D.D. Dumalo ang MBG Team ng Diyosesis ng Antipolo sa pangunguna ni Sis. Edna G. Bolinao at panauhing pandangal si Ambassador Henrietta T de Villa, ang MBG National President.

-ni: Fe Malelang