Grand Mission Festival, ginanap
By Diocese of Boac • May 18th, 2012 • Category: Diocesan NewsKaalinsabay ng ika-340 taong pagka-martir ni Beato Pedro Calungsod at ika-500 taon ng pananampalatayang katoliko sa Pilipinas, matagumpay na ipinagdiwang ang “Grand Mission Festival” sa pangunguna ng Kapulungan ng mga Katolikong Obispo ng Pilipinas sa Marikina Sports Complex, Lungsod ng Marikina, Abril 18-20.
Sa unang araw ng pagtitipon ay nagdiwang ng banal na misa ang Lubhang Kgg. Gabriel Reyes, Obispo ng diyosesis ng Antipolo. Malugod na tinanggap ni Reb. P. Socrates C. Mesiona, National Director ng Pontifical Mission Societies ang mga diyosesis mula sa iba’t-ibang parte ng Pilipinas. Nahati sa tatlo ang tema ng pagdiriwang na ito. Una, “Remembering Our History”, nagkaroon ng Grand Mission Festival Parade kung saan tampok ang iba’t-ibang diyosesis sa Pilipinas na pinakulay ng kani-kanilang local na pagdiriwang. Binalik-tanawan naman ang pagkakatatag ng Pontifical Mission Socities sa Pilipinas. Nagdaos ng banal na misa sa ikalawang araw ang Lubhang Kgg. Edwin dela Peña, Chairman ng CBCP Episcopal Commission on Mission. Nagkaroon din ng iba’t-ibang pagsasanay na nauukol sa PMS at sa buhay ni Beato Pedro Calungsod. Ikalawang tema, “Proclaiming Jesus’ Story”. Naging panauhing tagapagsalita ang Lubhang Kgg. Luis Antonio Tagle, Arsobispo ng Maynila. Ayon sa kanya, ang kwento ay dapat kapanipaniwala, kung saan matatamo lamang kung ang nagkukwento ay isinasabuhay si Hesukristo. Sa huling bahagi ng kanyang pagninilay ay nabanggit nya na “Jesus’ story is the best story told to humanity”. Ang huling tema, “Celebrating Our Faith” kung saan naging tagapagsalita si Bro. Bo Sanchez. Nagbahagi siya ng ilang mga karanasan bilang isang tagapagpahayag ng salita ng Diyos. Sa huling araw ng pagtitipon ay nagdiwang ng banal na misa ang Lubhang Kgg. Jose Palma, Presidente ng CBCP, kasama ang pito pang mga Obispo mula sa mga karatig na diyosesis.
Aktibong nakilahok ang diyosesis ng Boac sa pagdiriwang na ito sa pangunguna ng napakasipag na Direktor ng Misyon sa diyosesis na si Reb. P. Ian R. Retardo.
Diocese of Boac is
Email this author | All posts by Diocese of Boac


