Pasyon sa Modernong Panahon

Maliit pa akong bata ay kinamulatan ko na ang PASYON sa tuwing sumasapit ang Panahon ng Kuwaresma. Hindi ko noon nauunawaan ang tunay na kahalagahan at kahulugan nito sa buhay ng ating pananampalataya. Ayon sa aking pagkakaunawa, ito ay tradisyon ng aking lolo at lola na pangkaraniwang ginagawa bago sumapit ang mga Mahal na Araw na kung saan nagsasama-sama sa aming tahanan ang mga magpapasyon, mga kamag-anakan at mga kapit-bahay upang basahin sa pamamagitan ng malumanay na pag-awit ang nakasulat sa isang lumang libro. Hindi mawawala sa ganitong gawain ang libreng meryenda katulad ng kalamay, saging at kamote na nilagyan ng asukal, pansit at bihon na nilahukan ng sardinas (dahil bawal ang karne), biskutso at mainit na kape.

Ngunit ano ba talaga ang tunay na diwa at kahalagahan ng tradisyong ito sa buhay at pananampalataya nating mga Pilipino?

Kapag sinabi nating PASYON ang kaagad na sumasagi sa ating isip ay ang isang makalumang awit na may tiempong mabagal at malumanay. Ito ay nasusulat sa quintillos – isang taludtod na nahahati sa limang linya: tatlong linya ay nagsisilbing tema at ang dalawa pang linya ay ang refrain. Ang bawat linya ay isinasagawa sa walong pantig na magkakatugma. Ang unang mang-aawit ng pasyon ay kinakanta ang unang tatlong linya, at ang ikalawang mang-aawit ay kinakanta ang natitirang dalawang linya. Upang mabigyan ng tanda ang dulo ng ikatlong linya, kinakailangang patagalin ng mang-aawit ang huling nota bilang pahiwatig sa ikalawang mang-aawit na siya ay sundan at tapusin ang buong taludtod. Ang parehong pamamaraan ay sinusunod hanggang sa matapos ang lahat ng mga taludtod ng pasyon.

Ang salitang PASYON ay mula sa pandiwa ng sinaunang Wikang Griego na ????? (paskho) na ang ibig sabihin ay “paghihirap” na tumutukoy sa marubdob na damdamin, o makabagbag-damdaming saloobin. Ayon sa kasaysayan ito ay isinulat at kinatha ni Padre Gaspar Aquilino de Belen, isang pari mula sa Rosario, Batangas. Ang aklat na ito ay tinawag na “Ang Mahal na Pasión ni Jesu Christong Panginoon Natin”. Ito ay inilimbag sa Maynila noong taong 1704 ayon sa kapahintulutan ni Padre Antonio del Pueblo. Ang tanging layunin nito ay maging isang KATESISMO para sa mga Pilipino na mahilig tumula upang higit nilang maunawaan ang nilalaman ng Mabuting Balita. Nakilala at tinawag itong PASYON sapagkat ang binibigyang diin sa aklat na ito ay ang Pasyon ng ating Panginoong Hesukristo na sinusundan ng “ARAL”.

Ang Pasyon ay tumutukoy sa malalim na pagninilay sa Pagpapakasakit ni Kristo. La Oracion en el Huerto – Panalangin sa Halamanan; La Vera-Cruz – Pagkabayubay sa Krus; El Santo Entierro – Banal na Paglilibing. Upang higit na tumimo sa puso at damdamin ng ating mga ninuno, nilapatan ito ng musika ayon sa diwa ng pagsasakripisyo at pagpepenitensiya. Ang musikang inilapat dito ay ayon sa mayamang tradisyon ng musika sa Europa (Gregorian Chant) na inihuhudyat sa tunog ng kampana. Madali itong natutunan at tinanggap ng ating mga ninuno sapagkat ang tono nito ay pamilyar sa kanilang ayon sa traditional chanting ng mga Asyano. Ipinahihiwatig nito na ang inilapat na tono sa pasyon ni Kristo ay banal na musika at higit sa tono ng mga awiting sekular. Ito ay bukod-tangi at kakaiba sa mga awiting tulad ng harana, kundiman, balitaw, o kantahing bayan. Sa ganitong diwa, tuwing sumasapit ang Panahon ng Kuwaresma, itinatago muna nila ang kanilang mga instrumento o tinatanggalan ng kwerdas ang kanilang mga gitara, upang bigyang pag-galang ang pag-awit ng Pasyon. Ito ang dahilan kung bakit ang pasyon ay inaawit na walang kasaliw na instrumento o acapella. Ngunit dahil sa patuloy na pag-unlad at impluwensya ng kanluraning musika, may ilan sa atin ang nagnanais na isunod sa moderno at makabagong musika ang tradisyunal na tono nito. Inaawit ito ayon sa tono ng My Heart Will Go On, Broken Vow at marami pang mga sumikat na kanta. May ilan naman sa ating mga kabataan ngayon na tila nababaduyan o ginagawang katatawanan ang banal na tono ng pasyon. Sa ganitong dahilan, tila nakakalimutan at naisasantabi na natin ang tunay na kahalagan at kayamanan nito na may malaking kinalaman sa ating buhay at pananampalataya.

Ngayong Panahon ng Kuwaresma at mga Mahal na Araw, maganda na pagnilayan natin na ang Pasyon ay hindi lamang isang simpleng awit na nakakulong sa lumang tradisyon na tila naiiwan na ng moderno at makabagong musika. Sa halip, higit pa natin itong pa-alingawngawin sa ating mga Simbahan at sa ating mga Tahanan. Kung mayroon tayong “fasting sa pagkain”, ngayong panahon ng kuwaresma, matutunan din nawa nating mag fasting sa mga sekular na awitin. Maglaan tayo ng panahon para sa pagninilay at pag-awit sa pasyon ni Hesukristo. Huwag sana nating ibaon sa limot ang tradisyong ito sapagkat ito ay isang kayamanan na dapat lamang nating ipamana sa makabago at modernong henerasyon.