Pag-asa ng Nagdurusa

Maugong pa rin sa mga balita at maging sa mga kwentuhan ang tungkol sa nagaganap na impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona sa Senado. Sa pasimula pa lang ng taong 2012, ito na kaagad ang bumulaga sa bawat isang Pilipino – ang pagpapatalsik sa di umano’y korap na punong mahistrado ng Pilipinas. Maraming umaasa na matatapos kaagad ang impeachment at naniniwala sila na mapaparusahan ang tunay na nagkasala. Mayroon din naman na kabaliktaran ang iniisip sapagkat nakikita nila na tila yata bumabagal ang nangyayaring proseso. Sa daloy ng paglilitis, tila hindi handa ang nasa panig ng prosekusyon sapagkat mahabang oras ang nauubos sa pag-uusap tungkol sa teknikalidad kaya tuloy nagiging mainit ang balitaktakan. Marami nang oras, araw at panahon ang naubos sa paglilitis na ito pero tila wala pa ring malinaw na resulta. Maraming pera na ang nagugol para sa gawaing ito pero parang wala pa rin tayong liwanag na nakikita. Mag-iisang buwan na ang impeachment trial pero tila mabagal ang usad ng hustisya. Tila nakalimutan na ang mga bagay na higit na nangangailangan ng atensyon at panahon.

Tila ang gobyerno ay nakatuon ang buong atensyon sa pagpapatalsik sa isang kawani nito kaysa pagtuunan ng pansin ang mga kapatid nating Pilipino na lubhang nangangailangan ng tulong at kalinga. Maraming lugar sa katimugan ng ating bansa ang magkasunod na nakaranas ng trahedya. Una ay ang mga lugar na niragasa ng baha dala ng bagyong Sendong at kamakailan lamang ay ang mga lugar na nakaranas ng magnitude 6.5 na lindol. Marami ang napinsala. Marami kabuhayan ang nasira. Maraming buhay ang nawala. Maraming tao ang walang-wala. Maraming tao ang nagdurusa. Maraming tao ang nangungulila. Maraming tao ang walang tirahan. Maraming tao ang nagdaranas ng kalungkutan. Maraming tao ang lugmok sa kahirapan. At tila ang mga taong ito ang nakakalimutan. Ito ang realidad, ito ang katotohanan.

May kahalagahan ang ginagawang impeachment trial pero sana, wag kalimutan ang mga kapatid nating lubhang nangangailangan. Maraming tao na ang umaapela ng tulong at maging ang mga Obispo sa mga nasabing lugar ay humihingi din ng tulong para sa kanilang sambayanang sadlak sa kahirapan. Sa larangan nga naman ng pulitika, nakakalimutan kung minsan ang mga mahihirap na nangangailangan. Lahat tayo ay nilikha ng Diyos na pantay-pantay pero nakakalungkot na mayroong mas higit pa sa kanyang kapwa.

Napakaganda pa naman ng sinabi ni Beato Juan Pablo II tungkol sa ating bansa dahil ayon sa kanya ang Pilipinas ay mayroong espesyal na bokasyon sa pagmimisyon. Ibig sabihin, ang Pilipinas ay isang misyonerong bansa kung kaya ayon sa Ikalawang Konsilyo Plenaryo ng Pilipinas, ang ating bansa ay inilalagay sa estado ng pagmimisyon. Maging mga misyonero sana tayo sa atin mismong mga kababayan.

Bahagi ng pagiging isang mamamayan at lalo’t higit ng pagiging isang kristiyano ay ang pagkakaroon ng pakikibahagi sa kapakanan ng ating kapwa at ng lipunan. Kung hindi man matugunan ng mga taong nasa kinauukulan ang hinaing ng mga kapatid nating nagdurusa, tayo bilang isang Simbahan at magkaisa sa puso’t diwa upang mabigyan katugunan ang malubhang pangangailangan ng ating sambayanan. Maging bukas ang puso ng bawat isa upang marinig ang hinagpis ng naghihirap na samabayanan.