SOME WORDS ON FMM PHILIPPINES CENTENNIAL 1912-2012

Itong taon ng 2012 ay ipinagdiriwang naming mga madre, Franciscana Misyonera ni Maria, bilang pasasalamat sa Panginoon sa mga biyayang ipinagkaloob Niya sa loob ng isang daan taong paglilingkod ng FMM sa Bayan ng Diyos sa Pilipinas.

Kami ay nagsimula sa Lipa, Batangas, noong 1912, at sinundan ito ng Atimonan, Quezon (1913), Bauan, Batangas (1928) at San Pablo City (1928). Lahat ng mga ito ay nagsara na. Ang mga kasalukuyang kumbento namin sa Southern Luzon ay nasa Sariaya, Quezon (1921), Tagaytay (1950), at GMA Cavite (1969).

Sa Manila, una kaming dumating sa Sampaloc area (Manrique at Legarda) noong 1928. Ngayon kami ay nasa Tala, Caloocan City (1949), Pandacan (1969) at Cubao, Quezon City (1955).

Sa Northern Luzon, ang kumbento sa Baguio City ay itinatag noong 1937 at nananatili kami doon hanggang sa ngayon.

Sa Mindanao, nagsimula kami sa Misamis Occidental noong 1935. Patuloy kaming nagsisilbi doon sa Oroquieta City, sa Iligan City (1967) at sa Siasi, Sulu (1976).

Sa Visayas, may isa kaming kumbento sa Cebu City (1957).

Dito po sa Marinduque, ang kapatiran Franciscana Misypnera ni Maria ay nakarating din, sa paanyaya ng unang obispo ng Dyosesis, ang yumaong Raphael Lim. Ang Holy Family Fraternity ay itinatag noong 1974 sa Buenavista. Ang mga madre ay involved sa Basic Christian Communities, pastoral work, liturgical renewal at adult education. Nanatili po kami sa Buenavista hanggang1980.

Sa Mogpog, ang kapatiran “Ina ng Biglang Awa” ay itinatag noong1975 bilang tugon sa paanyaya ng Obispo Jose Sanchez upang tumugon sa pangangailangan ng Sambayanang Kristiyano ng Mogpog sa Christian Community Building (CCB), evangelization, pastoral work, at community social development. Natapos po ang aming paglilingkod bilang isang kapatiran sa Mogpog at sa Diyosesis ng Boac noong 1988. Hanggang 2007, may ilang buwan bago siya namatay, nagpatuloy po ng pagsisilbi sa Diyosesis si Sr. Mila Velasco.

Ako naman po ay maituturing na taga-Marinduque kahit madalang ang aking pag-“uwi” dito, sapagkat ag aking ama, lolo, lola at ninuno ay taga-rito. Noong ako’y bata pa, tuwing summer ang aming pamilya ay nagbabakasyon sa Boac at sa Balimbing. Nang ako ay madre na at nag-home visit sa unang pagkakataon, dinala ako ng tatay at nanay ko dito sa Masiga, sa bahay na ipinatayo ng tatay ko bilang pahingahan at bakasyunan. Napilitan siyang iwan ang Balimbing dahil ang ilog doon ay di na malinis, nag-umpisa na ang pollution dulot ng Marcopper.

Bilang madre, noong 1973, inatasan po ako ng aking superior na pumunta sa Buenavista, kasama ng dalawa pang madre, upang pag-aralan ang kahilingan ng paroko, Padre Rolando Oliverio, na magkaroon ng FMM sa kanyang parokya. Sa loob ng buong kuwaresma noong taong iyon, tumulong kami sa paghubog ng mga “nobisya” at “nobisyo”. Nakasama ko rin pong nagsilbi sa panahong iyon ng Kwaresma, 3 seminarista, na ngayon ay sila Msgr Monching Magdurulang, Msgr Oscar Leano, at Padre Orestes Huerta.

Pagkatapos po ng aming magandang karanasan doon, nagkaroon po ng evaluation, ilan pang pagtungo sa Buenavista ng ibang madre, at tinanggap ang pormal na paanyaya ng Obispo na magtatatag ng kapatiran sa Buenavista. Ang pagtatatag ng kapatiran sa Mogpog ay sumunod pagkatapos ng isang taon.

Sa mahigit na 10 taong pagsisilbi ng mga FMM sa diyosesis ng Boac, itong bahay ng tatay ko sa Masiga ay nagsilbing “meeting point” ng dalawang kapatiran ng Buenavista at Mogpog. Dito sila nagpupunta para mag-pulong, mag-pahinga at mag-recollection. Ang tatay ko po ay tuwang-tuwa na nagagamit ng mga madre itong bahay. At ang mga madre naman ay tuwang-tuwa rin dahil may napupuntahan silang lugar na tahimik, napapaligiran ng kalikasan at mga mababait na kapitbahay at madaling maabot ng dalawang kapatiran kahit walang pribadong sasakyan.

Nagpapasalamat ako na itong bahay na ibinigay ng tatay ko sa Diyosesis ay pinangangalagaan, pinag-iingatan at pinakikinabangan ng marami, lalong-lalo na ng mga naglilingkod sa ating Simbahan at Sambayanang Kristiyano ng Marinduque. Isang malaking biyaya sa pamilya ng Dela Santa na itong “pamana” ng tatay ko ay patuloy na magamit at magsilbi bilang instrumento o lugar kung saan ang Diyos ay sinasamba at pinasasalamatan, at ang Ebanghelyo ng pag-ibig at paglilingkod ni Kristo ay naipahahayag sa salita at sa gawa ng bawat nilalang na nakakapunta rito.

Salamat po. Sister Noni del Santa, FMM – January 29, 2012

 

Eucharistic Celebration at Mary of the Passion House, Masiga, Marinduque, January 29th, 2012 attended by Msgr. Ramon Magdurulang, Fr. Pepito Perilla, Sr. Noni dela Santa, FMM, Dela Santa relatives, SFO members, friends and neighbors on the occasion of the 5th death anniversary of Jesus dela Santa, who donated the beach property to the Diocese in 2004.