COVs Vicarial Recollection at Socialization, naging matagumpay

Matagumpay na idinaos ang Vicarial Recollection at Socialization ng Community Organizing Volunteers (COVs) sa Parokya ni San Jose ang Manggagawa sa Brgy. Napo, Sta. Cruz noong Nobyembre 28-29, 2011. Nagsimula ang pagtitipon sa pamumuno ng recollection facilitator na si Reb. P. Jovin Grimaldo. Sinundan ito ng reporting ng limang parokya ng bikariya tungkol sa mga kaganapan at kasalukuyang gawain ng mga Organizers. Bumuo rin ang grupo ng mga bagong opisyales sa bikariya.

Pinamunuan ng Lubhang Kgg. Reynaldo G. Evangelista ang Banal na Eukaristiya sa ika-5:00 ng hapon. Binigyang diin niya ang kahalagahan ng tungkulin ng COVs sa pagbubuo ng BPK sa buong diyosesis. Aniya, “ang COVs sa kahabaan ng panahon ay inaasahang hindi basta Community Organizers kundi magiging “Community Evangelizers.” Dumalo rin siya sa socialization na kinatampukan ng pagtatanghal ng G. at Gng. COVs matapos magpakitang-gilas sa iba’t ibang talento at dumaan sa question and answer portion.

Naghandog din ng pampasiglang bilang ang bawat parokyang dumalo. Dagdag kasiyahan naman ang inihandang mga palaro at iba’t ibang papremyo na inihanda ng mga lider-volunteers.

Sa ikalawang araw, tinapos ang pagdiriwang sa Banal na Misa at pagpupulong para sa mga susunod na gawain ng bikariya.