Ang Diocesan Construction Committee at mga Tungkulin Nito

Noong nakalipas na isyu, ipinaliwanag natin ang sagot sa tanong na “Can Priests Sell Their Artistic and Historic Artifacts?” Ang tanong na ito ay base sa isang article sa aklat na pinamagatang Lugar ni Augusto F. Villalon. Tahasan nating sinabi na walang karapatan ang sinumang pari na ipagbili ang anumang pag-aari ng Simbahan, lalo na ang mga artistic and historic artifacts. Sa isyu po namang ito ay nais nating ipaliwanag ang extent o kalayaan ng parish priests sa pagpapagawa o sa pagpapaayos ng simbahan, kumbento, at iba pang gusaling pag-aari ng simbahan. Ipaliliwanag po natin ang lahat ng ito sa pamamagitan naman ng pagtatalakay ng natura at mga gawain ng Diocesan Construction Committe.

Noong taong 2002, sa panahon ng ikalawang Obispo ng Boac, Lubhang Kgg. Jose F. Oliveros, nakita ang pangangailangan sa isang Committee na mag-aaral, susubaybay at magmo-monitor sa mga constructions sa buong Diyosesis. Noong 2005, sa Recollection na ginanap sa Sacred Heart Pastoral Center sa Boac para sa buwan ng Hunyo, pinagtibay ng ikatlong Obispo ng Diyosesis, Lubhang Kgg. Reynaldo G. Evangelista ang pagtatatag ng Diocesan Construction Committe. Ayon sa nabuong polisiya, “Hindi pinahihintulutan ang sinumang pari na magtayo ng anumang estruktura o gusali sa loob ng pag-aari ng diyosesis nang walang tahasang pahintulot ng Obispo ng Boac.” Idinugtong pa sa reglamentong ito ang ganitong patakaran: “Ang anumang construction sa parokya na aabot sa halagang Php 50,000.00 ay kailangang dumaan muna sa masusing pag-aaral at endorsement ng Diocesan Construction Committe, bago ito tuluyang aprobahan ng Obispo ng Boac.” Inaasahan din na magkakaroon ng close coordination ang Komiting ito sa Diocesan Commission on Cultural Heriatge of the Church upang magkatulong nilang mapangalagaan ang likas na yaman ng ating simbahan .

Maliwanag na hindi ganap ang kalayaan ng mga kura paroko sa pagpapagawa ng anumang estruktura sa parokyang kanilang pinaglilingkuran. Ang lahat ng pari at Katolikong mananampalataya ay saklaw ng Batas ng Simbahan o Canon Law. Ang bawat diyosesis ay mayroon ding kani-kanilang particular laws o statutes na sumasaklaw sa lahat ng mananampalataya doon, tulad ng tinatalakay ko ngayon, tungkol sa constructions sa parokya. Huwag sanang mangyari na puro diskarte na lamang ng Kura Paroko ang masusunod, at hindi man lamang nagkonsulta sa Diocesan Construction Committe.

Minsan,merong magkakaibigang nag-iinuman pagkatapos ng maghapong konstruksiyon sa kanilang simbahan. Ang sabi nung isa: “pare, alin sa palagay mo ang mas malakas na bagyong dumaan dito sa ating probinsiya, si Sisang o si Reming?” “Pare sa palagay ko’y si Sisang” sagot naman nung isa. Bigla naman sumabat yung isa: “Pare walang binatbat ang mga bagyong yan dito sa alam ko. Ang lakas nito pare. Noong dumaan ang bagyong Sisang natanggal ang bubong ng simbahan. Noong dumaan ang bagyong Reming, nawasak ang kumbento, pero ng dumating ang ating Kura Paroko, wasak doon, wasak dito, tapon dini, tapon dito, sunog dun, sunog dito! O ano, laban kayo?” Wow .. sana naman po’y biro lamang ito. Kumusta na nga po ba ang inyong mga simbahan at mga kumbento, well preserved po ba, o daig pa’y dinaanan ng bagyo dahil sa inyong kura paroko? Hehehehehehe!