GABAY ng mga Lingkod ng Panginoon sa Pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya

Tayong lahat ay mga Lingkod ng Panginoon. Ito ay isang pangunahing katotohanan sa ating buhay bilang mga tagasunod ni Kristo na naparito upang maglingkod at hindi upang paglingkuran. Ang maglingkod sa Diyos at sa ating kapwa ay naaayon sa buhay na ipinakita ng ating Panginoong Hesukristo. Kung lilimiin at pagninilayan ang bagay na ito, makikita nating ang paglilingkod sa Diyos at sa ating kapwa ay hindi isang tungkulin, sa halip ito ay isang karangalan. Karangalan, sapagkat sa tuwing maglilingkod ang isang kristiyano ay naipapakita niyang siya ay sumusunod sa magandang halimbawa ng kanyang Panginoon at tumutupad ng kanyang kalooban.

Ang paglilingkod na angkop sa buhay ng isang kristiyano ay maipapakita sa iba’t-ibang paraan subalit higit sa lahat ay sa pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya na siyang sukdulan ng ginawang paglilingkod ni Kristo. Sa katunayan, ito ang tunay na larawan ng paglilingkod: paglilingkod na nag-aalay ng sarili alang-alang sa minamahal.

Sa pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya, lalung-lalo na kung Araw ng Panginoon, ang buong sambayanan ng mga lungkod ng Diyos ay sama-samang nagpupuri at nagpapasalamat sa Diyos. Ang Lingkod-pari ang siyang tagapamuno sa banal na pagdiriwang. Kasama rin niya niyang naglilingkod ang mga lektor, akolito, kantor, at mga sakristan. Ang mga lektor ang siyang tagapaglingkod sa hapag ng Salita ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapahayag ng mga pagbasa. Ang mga akolito naman ang mga tagapaglingkod sa hapag ng katawan at dugo ni Kristo sa pangunguna ng lingkod-pari. Ang kantor o lupon ng mga mang-aawit naman ay naglilingkod rin sa Diyos at sa sambayanan sa pamamagitan ng kanilang pag-awit. Ang mga sakristan ay maituturing ding mga lingkod sa dambana ng Panginoon sa pamamagitan ng pagsasakatuparan ng mga gawaing iniatang sa kanila sa loob ng banal na pagdiriwang.

Ang mga nakipagmisang sambayanan ay mayroon ding tungkuling makiisa sa pagdiriwang sa pamamagitan ng mataimtim na pakikinig sa Salita ng Diyos, maayos na pagsagot sa mga bahagi ng pagdiriwang na mayroong sagutan, sumabay sa pag-awit, at taimtim na tumatanggap sa katawan at dugo ng Panginoong Hesukristo.

Ang Paghahanda sa mga Tagapaglingkod ay isang kinakailangang proseso upang maging higit silang epektibo sa kanilang pagiging lingkod ng Panginoon sa Banal na Pagdiriwang. Katulad ng mga pangkarinawang lingkod sa bahay o opisina na tinuturuan muna ng mga gawain at ipinakikilala ang amo o boss, ang mga lingkod ng Panginoon sa pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya ay kinakailangan ding turuan o hubugin, ituro ang mga gawaing angkop sa kanila at higit sa lahat ay akayin sila upang makilala ng lubos ang Diyos sa kanilang pinaglilingkuran sa pamamagitan ng Kanyang Simbahan. Sa katunayan ang mga lingkod-pari ay hinubog sa humigit-kumulang na sampung taon upang ihanda sila sa kanilang paglilingkod sa ubasan ng Diyos.

Ang mga lektor at akolito ay hinuhubog din bilang paghahanda sa kanilang paglilingkod, bagama’t hindi kasing bigat ng paghuhubog sa mga lingkod-pari. Sa pamamagitan ng mga lectures at seminars sa loob ng ilang lingo o buwan ayon sa itinakda ng Lupon ng Pagsamba ng bawat lokal na Simbahan, sila ay inihahanda sa kanilang mga banal na gawain. Ang mga kantor at sakristan, bilang mga lingkod, ay kinakailangan ding hubugin nang maayos bilang paghahanda sa kanilang paglilingkod. Kalimita’y nakakaligtaan o isinasaisantabi ang paghuhubog sa kanila, gayong sila man ay mahalagang bahagi ng mga tagapaglingkod sa Panginoon na marapat lamang na magkaroon ng masusing paghuhubog sa larangan ng liturhiya, Bibliya, at mga awiting angkop sa Banal na Pagdiriwang.

Ang paghuhubog sa mga lingkod ng Panginoon ay kinakailangang buo o pangkalahatan. Nasasaklaw nito ang buong katauhan ng isang lingkod: pisikal, moral, espiritwal at marami pang iba. Dahil dito’y kinakailangan muna ang masusing pagtatasa ng tatlong aspeto ng paghuhubog. Mayroon bang maigting na pagnanasa ang taong ito upang maglingkod sa Panginoon? May sapat ba siyang kakayahan upang makapaglingkod nang maayos at ayon sa hinihingi ng kanyang gawain? Wala bang namang hadlang sa kanyang paglilingkod maging sosyal, moral at pisikal? Hindi ba magiging mabigat para sa kanya ang paglilingkod na ito kasabay ng kanyang obligasyon at pananagutan sa pamilya? Hindi ba naman sangkot sa mga usapang may kaugnayan sa moral na pamumuhay na maaaring maging eskandalo sa mga taong pinaglilingkuran? Ilan lamang ito sa mga pangunahing katanungan na dapat nating mabigyan ng wastong kasagutan bago magsimula ang paghuhubog sa mga lingkod ng Panginoon.

Ang mga katanungan sa itaas ay higit na magigigng malinaw kung ibibigay natin ang mga inaasahang sagot sa bahaging ito. Ang unang katanungan ay tumutukoy sa pagigiging malinaw ng layunin ng isang nagnanais maging lingkod ng Panginoon. Kaugnay nito, masasabi nating angkop at maganda ang layunin ng isang nagnanais maglingkod kung ano ang kanilang sagot dito at katulad ng isa o higit pa sa mga sumusunod na sagot: Nais kong maglingkod sa Panginoon sapagkat: a. Ito’y bahagi ng aking pagiging binyagan, b. Ito ang paraan ng pagpapahayag ng pagmamahal at malasakit sa mga nangangailangang kasapi ng Sambayanan. c. Ito ang kongkretong paraan ng pagtanaw ng utang na loob sa Diyos at lahat ng kanyang kabutihan at mga biyaya.

Ang ikalawang katanungan naman sa itaas ay tumutukoy sa sapat na kakayahan ng isang nagnanais maglingkod. Sa bahaging ito’y kailangan nating usisain ang kanyang pisikal, intelektwal at moral na buhay. Wala ba siyang kapansanang pisikal: malabo ang mata, mahina ang pandinig, may pabalik-balik na karamdaman, o baka naman lubhang matanda na para maglingkod? May sapat ba siyang kakayahang intelektwal upang maunawaan at maintindihan ang mga gagawing pag-aaral, lectures at seminars na kinakailangan para sa epektibong paglilingkod?

Gayundin naman, kinakailangan din nating tingnan kung hindi magiging sagabal sa tungkulin sa pamilya o gawain ang paglilingkod sa Simbahan. Dapat nating tandaan na ang mag-asawa ay tinawag ng Diyos sa buhay pampamilya upang sa pamamagitan nito’y maging banal sila. Kaya nga, hindi dapat maging sagabal sa buhay pamilya ang mga gawaing pangsimbahan. Dapat tingnang mabuti ng isang nagnanais maglingkod ang iba’t-iba niyang pananagutan bago siya tuluyang magpasya.