LIHAM PASTORAL BLG. 4
By Diocese of Boac • Oct 6th, 2009 • Category: Pastoral Letters LIHAM PASTORAL BLG. 4
SERYE 2009
Oktubre 6, 2009
“Alam ko ang hirap nilang tinitiis, at narinig ko ang kanilang daing.
Kaya, bumaba ako upang sila’y iligtas…..”
(Exodo 3:7-8)
Minamahal kong mga pari, mga madre, mga lider-layko, mga kasapi ng mga Samahang Banal, mamamayan ng buong Marinduque, Bayan ng Diyos:
Marami sa ating mananampalataya at mga kababayan sa kasalukuyan ang nagtatanong: “Bakit ganito ang ating buhay? Lagi na lang walang kuryente. Hanggang kailan tayo magtitiis sa ganitong kalagayan? Ano ba ang dapat nating gawin? Sino ang makatutulong sa atin? May pag-asa pa kaya tayong malutas ang hirap na ating dinaranas?
Bilang Pinunong Pastol ng ating diyosesis, ako ay nababagabag at nahahabag sa kalagayan ng ating mga kababayan. Maging sa aking sarili ay marami akong pagtatanong tungkol sa mga kaganapan sa ating lalawigan na nais kong magkaroon ng kasagutan. Bunsod ng mga hinaing na ito, sinangguni ko ang iba’t-ibang sektor ng ating pamayanan at sa tulong nila ay naglalathala po ako ngayon ng isang pahayag na tumatalakay sa maraming isyu na bumabalot sa ating pamumuhay bilang sambayanan dito sa ating lalawigan ng Marinduque.
Ang Kasalukuyang Sitwasyon ng mga Mamamayan sa Ating Lalawigan
Napakaliit po ng ating lalawigan kung ikukumpara sa ibang mga lalawigan sa buong bansa. Simple lang ang pamumuhay ng mga tao. Bagama’t may nakikita tayong pag-unlad, hindi pa rin masasabing tunay na pag-unlad ang mga ito sapagkat mas marami pa rin ang naghihirap, walang permanenteng hanap-buhay, laganap ang kahirapan, kakaunti ang kinikita ng mga tao at hindi sapat sa pang-araw-araw na pangangailangan; maraming mga kabataan ang hindi nakakapag-aral; ang mga bata ay nakakaranas ng malnutrisyon bunga ng kakulangan ng sapat at wastong pagkain; maraming may karamdaman ang hindi man lamang mapangalagaan at mabigyan ng tama at sapat na lunas medikal; walang permanenteng doktor at kulang na kulang sa kagamitan sa panggagamot dito sa ating lalawigan; marami ang natatakot sa pagbaha at mga landslides dahil sa pagkasira ng ating kalikasan sa tuwing darating ang mga mga pag-ulan at masamang panahon sa ating lalawigan; ang mga ilang nahalal sa panunungkulan sa pamahalaan ay hindi maaasahan sa pangangailangan ng mga tao dahil sa kapabayaan, absentism o laging wala sa opisina at hindi matagpuan, dagdag pa ang katiwalian sa panunungkulan at palakasan na nagiging sanhi ng di-pantay-pantay na oportunidad para sa lahat ng mamamayan. Sa ganitong mga ipinahayag na karanasan ng ating mga mamamayan, larawan ang ating buhay ngayon ng hindi maliwanag na pag-asa para sa isang magandang kinabukasan. Ang lahat ng ito ay dulot ng maraming mga kapabayaan at maling sistema sa buhay ng mga nanunungkulan at tayo mismong mga mamamayan. Ito ay taliwas sa diwa ng sinasabi sa 2 Samuel 23:3-4: “Ang haring namamahalang may katarungan at namumunong may pagkatakot sa Diyos, ay tulad ng araw sa pagbubukang-liwayway. Parang araw na sumisikat kung umagang walang ulap, at nagpapakislap sa dahon ng damo pagkalipas ng ulan.”
Sa nakalipas pong mahigit na apat na taon na aking panunungkulan bilang inyong Obispo ay sinikap ko kaisa ng mga pari sa ating diyosesis na tugunan ang ilang mga pangangailangan ng ating mga mamamayan tulad ng pagpapakain sa maraming mga batang kulang sa timbang (malnourished children) sa tulong ng Pondo ng Pinoy, nagkaroon din tayo ng pabahay o housing program sa mga kapatid nating lalong nangangailangan, mayroon ding programa ang diyosesis na organic farming sa ilang mga lugar pati na ang pamamahagi ng mga bangkang de motor sa mga mangingisda para magamit nila sa kanilang paghahanapbuhay at marami pang mga tulong ang ipinaabot namin sa ating mga mamamayan. Marami ring mga kabataan ang tinutulungan namin ngayon sa kanilang pag-aaral sa tulong ng mga madre at mga taong nagmamalasakit para sa magandang kinabukasan ng mga nais makapag-aral. Bagama’t pang-espirituwal na tungkulin ang nakaatang sa amin at ang mga pangunahing pangangailangan ng mga mamamayan ay dapat namang matugunan ng pamahalaan, hindi kami nagkulang sa pagmamalasakit sa mga kapatid nating lalong nangangailangan. Patuloy namin itong gagawin sa tulong at biyaya ng Diyos.
Sa kasalukuyang panahon ay tatlong bagay ang higit na nagdudulot ng paghihirap, pagkadismaya, pighati, kalungkutan at kung minsan ay pagkagalit sa ating mga kababayan. Ito ay ang mga sumusunod:
1. Ang madalas na pagkawala ng kuryente sa ating lalawigan. Sa ating karanasan, malimit na nagkakaroon ng brown-out mabuti man o masama ang panahon. Ito ay tumatagal ng 12 hanggang 24 na oras at sa ibang lugar pa ay 3 hanggang 4 na araw. Ito na rin marahil ang nagbunsod sa sunog ng palengke sa Gasan dahilan sa napabayaang kandila sapagkat brown-out. Ayon sa paliwanag ng MARELCO, ito ay sanhi ng: a.) malaki ang kanilang pagkakautang sa NPC; b.) marami ang hindi nagbabayad ng kanilang konsumo sa kuryente (delinquent members/consumers); k.) mataas ang presyo at kung minsan ay walang supply ng diesel; d.) malaki ang gastos sa mga repairs/rehabilitation at maintenance ng mga linya at poste ng kuryente; e.) malaki ang system loss sa operasyon ng MARELCO. Ito ang mga narinig nating paliwanag ng MARELCO.
Subalit, ito nga kaya ang mga tunay na kadahilanan ng malimit na brown-out, o mayroon pang mas malalalim na dahilan na marahil ay itinatago lamang sa kaalaman nating mga mamamayan? Ano ang konkretong hakbang o solusyon na ginagawa ng MARELCO, ng pamahalaang pambayan at panalalawigan tungkol sa usaping ito? Ano na ang nangyari sa kontrata na pinirmahan noon pang Setyembre 27, 2005 sa pagitan ng MARELCO, NAPOCOR at 3I POWERGEN, sa panunungkulan noon nina dating Congressman Edmundo Reyes, Jr. at dating Governor Carmencita O. Reyes na dapat sanang nagsusupply na ngayon ng kuryente sa ating lalawigan simula pa noong Pebrero 2007? Ang Aklat ng Kawikaan 31:9 ay nagsasabi: “Ipahayag mo nang malinaw ang katotohanan at ang katuwiran, at igawad ang katarungan sa api at mahirap.”
Marahil ay hindi na dapat nating itanong pa kung gaano na kabigat ang mga parusang nararanasan natin sa pagkawala ng kuryente sa ating lalawigan. Naiinis na ang mga tao; wala nang tiwala ang mga mamamayan sa pangasiwaan ng MARELCO; marami ng mga gamit sa bahay at opisina ang nasisira dahil sa biglaang pagputol ng kuryente; maging ang mga gamot na dapat na nakalagay sa refrigerator ay nasisira at nawawalan ng bisa dahilan sa mahahabang mga brown-out; ang mga doktor ay nahihirapan sa kanilang diagnosis sa mga pasyente, ang mga negosyante – maliliit man o malalaki ay nalulugi na sa kanilang hanap-buhay at produksyon; hindi makapag-aral at makagawa ng assignment ang mga eskwela pagdating sa bahay, pati mga guro ay hindi makapagsulat ng lesson plan at iba pang dapat ihanda nila sa pagtuturo.
2. Ang lagi pa rin nating pangamba sa mga kalamidad na puwedeng sumapit sa ating lalawigan. Nasa panahon na naman tayo ng tag-ulan at mga bagyo. Ito ay nagdudulot ng ibayong takot at pangamba sa ating mga tao, lalong-lalo na sa mga mamamayan ng Mogpog at Boac. Hindi lingid sa ating kaalaman ang pinsala na dulot sa atin ng pagbaha at pagtagas ng mine tailings sa mga Ilog ng Boac at Mogpog. Ang pagkasira ng natural na daluyan ng tubig sa mga ilog na ito ay patuloy na nagdudulot ng pinsala at pangamba sa buhay ng mga tao, lalo na sa bahagi ng Brgy. Bocboc at ilang barangay na sakop ng bayan ng Boac. Hanggang ngayon ay hindi man lamang nalalapatan ng kaukulang pagkilos ng ating mga pamahalaang lokal – pambayan man o panlalawigan ang mga rekomendasyon ng grupo ng mga inhenyero na nagsuri ng kalagayan ng Maguila-guila Dam at iba pang mga istruktura na iniwan ng Marcopper nitong nakaraang mga taon. Ito po ay sa akin na ring panawagan sa mga ahensyang nasyunal sa pangamba palagi ng ating mga mamamayan sa tunay na kalagayan na ng mga dams sa ating mga kabundukan. Ang mga sipi ng pag-aaral na ito ay nasa kamay nang matagal ng mga nanunungkulan. Alam nating lahat na may nakalaan ang pamahalaan para sa ganitong pangangailangan. Mayroon tayong tinatawag na ENVIRONMENTAL GUARANTEE FUND, INTERNAL REVENUE ALLOTMENT at COUNTRYWIDE DEVELOPNMENT FUND ng mga kongresista. Subalit tila ba napakahirap umamot ang mga mamamayang apektado ng karampatang tulong mula sa pamahalaan. Paano na ang Bayan ni Juan? Aasa na lamang ba tayo sa pagkukusa ng mga NGO at taung-bayan? O magtitiis na lamang tayo hanggang tuluyang nang sumapit ang disaster sa ating lalawigan? Sa kabila ng mga panganib sa buhay ng ating mga mamamayan, laganap pa rin ang “small scale mining” sa mga Barangay ng Pawa, Tumagabok at Pakaskasan. Ito ay mariin naming tinututulan ayon na rin sa mga dekreto ng Unang Sinodo ng ating diyosesis. Sa pagbuhos ng malalakas na ulan at malalakas na mga bagyo, ang ating lalawigan ayon sa mga pag-aaral ay napakalaki ang posibilidad na makaranas ng pagguho ng mga lupa at malalaking pagbaha.
Hindi lamang iyan. Maging ang tamang pagtatapon ng mga basura at paghihiwalay ng mga ito ay hindi mabigyan ng karampatang atensiyon ng mga nanunungkulan sa ating pamahalaan. Ayon sa Batas Pambansa o Republic Act 9003 o Solid Waste Management Act, ito dapat ay ipinatutupad na sa buong bansa ilang taon na ang nakalilipas. Kailan pa pangangatawanan ng ating mga lokal na pamahalaan ang tunay na pangangalaga sa kalikasan at ating kapaligiran? Lumalabas pa sa ilang mga usapan na bukas ang ilang mga nanunungkulan sa ating pamahalaan sa muling pagbubukas ng mga minahan. Sa halip na ganito ang kanilang pagtuunan ng pansin ay paglaanan sana nila ang disaster preparedness o kahandaan ng ating probinsiya sa mga posibleng kalamidad na puwedeng sumapit sa atin. Ito ay sa dahilang ayon sa siyentipikong pag-aaral, ang ating lalawigan ay isa sa mga disaster-prone provinces.
3. Ano nang klaseng mga nanunungkulan mayroon tayo ngayon sa ating lalawigan? Sa darating na Mayo 2010 ay magkakaroon na naman po tayo ng halalan. Muli ay lalapit sa atin ang mga kandidato, taglay ang kanilang plataforma de govierno na may pangakong tulong sa pagbabago ng istruktura ng ating lipunan at pulitika, ganun din ang pag-unlad ng ating bayan. Ang kasalukuyang problema na nararanasan ng ating bayan ngayon ay hindi kailan man maihihiwalay sa gampanin ng mga pulitikong ating inihalal. Sa paulit-ulit nating pagkakamali ng pagpili ng mga responsableng kandidato na dapat mayroon tayo sa ating pamahalaan – ang nagdurusa at napapahamak ay tayo mismong mga mamamayan. Sa liwanag ng mga pangyayaring ito, ano ang mga konkretong bagay na puwede nating magawa ngayon?
a. Turuan natin ng leksiyon ang mga pulitiko na hindi gumaganap sa kanilang mga tungkulin para matugunan ang pangangailangan nating mga mamamayan. Huwag na tayong magkakamaling muli na tumanggap ng pera o anumang mga pabor sa panahon ng halalan para iboto ang mga ganitong kandidato at magluluklok sa kanila sa panunungkulan. Magkaisa tayo, manindigan at sama-sama nating ihalal sa susunod na eleksiyon ang mga taong tunay na magmamalasakit sa atin.
b. Hanapin natin ang katotohanan sa likod ng mga brown-out na ating nararanasan at papanagutin ang lahat ng mga ahensiya ng pamahalaan, mga pulitiko at iba pang mga tao na may kagagawan ng lahat ng mga hirap na ating nararanasan.
c. Nanawagan kami sa lahat ng sektor sa ating lipunan, mga NGOs, mga kabataan, mga negosyante na makisangkot sa gagawaing mapayapang RALLY sa darating na Lunes, Oktubre 12, 2009 sa ganap na ika-9:00 ng umaga sa harap ng Kapitolyo at MARELCO. Magsuot po kayo ng itim na damit tanda ng ating pagkadismaya sa mga nagpabaya sa ating pamahalaan kung kaya’t sinapit natin ang malawakang brown-out sa ating lalawigan.
d. Ipagtanggol po natin ang karapatan ng bawat mamamayan at isulong ang katarungang panlipunan ayon sa diwa ng Ebanghelyo at sa mga Aral Panlipunan ng Simbahan (Social Teachings of the Church).
e. Sundin natin ang Pahayag Pastoral ng Kapulungan ng mga Obispo o CBCP noong Hulyo 12, 2009 na naghihikayat na ang mga may kakayahan sa responsableng panunungkulan sa pamahalaan sa larangan ng pulitika ay suportahan upang panibaguhin natin ang takbo ng ating lipunan. (CBCP Pastoral Exhortation on Philippine Politics, 1997); itaguyod ang pangkalahatang kabutihan ng tao at huwag hayaang maging instrumento ng anumang uri ng katiwalian kaugnay ng halalan; at maging matalino sa pagpili ng mga kandidatong ihahalal para sa tunay na pag-unlad ng buong bayan.
Bilang inyong Pastol kasama ang lahat ng mga Lingkod-Pari sa ating diyosesis, at lahat ng mga taong sinangguni namin na nagpahayag ng kanilang mga saloobin ay ipinalabas ko po ang Liham Pastoral na ito tanda ng aking malalim na pagmamalasakit sa inyo. Hindi po ako puwedeng magwalang bahala sa mga hirap na inyong tinitiis sa kasalukuyan. Kaya naman magkapit-bisig tayong lahat para sa kalutasan ng ating mga suliranin at tunay na pagbabago ng ating minamahal na lalawigan. May pag-asa pa po tayong mabago ang ating lipunan kung tayo ay tunay na magkakaisa at kikilos sa tulong at awa ng Diyos.
Sa pagkakandili ng Mahal na Puso ni Hesus at sa pamamagitan ng Kalinis-linisang Puso ng Mahal na Birheng Maria, Birhen ng Biglang-Awa at Patrona ng ating diyosesis, nawa’y kalugdan ng Poong Maykapal ang ating mga pagkilos at simulain tungo sa ganap na pag-unlad natin at paghahari ng Diyos sa ating piling.
Pagpalain nawa tayo ng Diyos!
+REYNALDO G. EVANGELISTA, D.D.
Obispo ng Boac
Boac, Marinduque
Diocese of Boac is
Email this author | All posts by Diocese of Boac








