ITAGUYOD NATIN AT SUPORTAHAN ANG “CAUSE FOR THE BEATIFICATION” PARA SA LINGKOD NG DIYOS OBISPO ALFREDO MA. OBVIAR

LIHAM SIRKULAR BLG. 4

Serye 2011 Agosto 5, 2011

ITAGUYOD NATIN AT SUPORTAHAN ANG “CAUSE FOR THE BEATIFICATION” PARA SA LINGKOD NG DIYOS OBISPO ALFREDO MA. OBVIAR

Minamahal kong mga Pari, mga Relihiyosa at mga Lider-Layko ng ating mga parokya:

Sumainyo nawa ang pagpapala ng Panginoon!

Sa darating pong ika-29 ng Agosto, 2011 ay muling magtitipon ang buong rehiyon dito sa Timog Katagalugan kasama ang ating Diyosesis ng Boac, Diyosesis ng Gumaca, San Pablo, Lucena, Prelatura ng Infanta at Arsidiyosesis ng Lipa sa Missionary Catechists of St. Therese (MCST) sa Tayabas, Quezon para sa MAKA-OBVIAR General Assembly. Ito ay para din gunitain ang ika-122 kaarawan ng Lingkod ng Diyos Obispo Alfredo Ma. Obviar. Ang Kanyang Kabunyian Ricardo Cardinal Vidal, Arsobispo Emerito ng Cebu, ang mangunguna sa pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya.

Ilang bagay ang magagawa natin sa mga parokya para makiisa tayo sa gawaing ito:

  1. Para sa mga parokya na wala pa o hindi pa aktibo ang MAKA-OBVIAR na opisyales ay hinihikayat ko ang Kura Paroko na magbuo ng pamunuan para dito. Humanap ng mga layko na kakatawan bilang Pangulo, Ikalawang Pangulo, Kalihim, at Ingat-Yaman. Sila ang magpapalaganap ng kaalaman tungkol kay Obispo Obviar. May mga komiks, video at iba pang babasahin para sa gawaing ito. Makipag-ugnay kay Reb. P. Bong Marticio para sa mga kailangan ng parokya.

  1. Hikayatin ang mga miyembro ng MAKA-OBVIAR na sumama papuntang Tayabas sa Agosto 28, 2011, 4:00 ng hapon. Magpatala nang maaga para maihanda ng mga madre sa Tayabas ang tutulugan at pagkain sa Agosto 29, 2011.

  1. Sa panahon ng paghahanda para sa MAKA-OBVIAR General Assembly sa Agosto 29, nagtakda ang mga madre ng isang araw para sa iba’t-ibang diyosesis kung saan hinihikayat na magdiwang tayo ng Banal na Misa at magbigay ng donasyon (love offering) para sa “Cause for the Beatification of Bishop Obviar.” Ang Diyosesis ng Boac ay sa Agosto 20, araw ng Sabado. (Ang Gumaca ay sa 21; San Pablo sa 22; Lipa sa 23, Lucena sa 24, Infanta sa 25 at ang natitirang araw ay sa MCST). Kaya nga, hinihikayat ko ang mga Kura Paroko na magdiwang ng Banal na Misa sa Agosto 20, 2011 anumang oras para sa intensiyon na ito. Ipaalam ito sa mga tao sa darating na mga araw para marami ang makiisa sa pagdiriwang. Ang koleksiyon ay isusubmit sa Chancery para naman buuin at isubmit sa Treasurer ng Cause for the Beatification of Bishop Obviar. Isang napakahalagang gawain ito ngayong buwan ng Agosto.

Salamat po sa inyong pagbibigay pansin sa liham sirkular na ito. Nawa’y patuloy tayong lumago sa ating buhay kabanalan sa pagtataguyod natin sa Cause for the Beatification ni Bishop Alfredo Ma. Obviar.

Pagpalain nawa kayo ng Diyos!

+REYNALDO G. EVANGELISTA, D.D.

Obispo ng Boac