BOT Meeting, isinagawa ng mga Diocesan Schools

Matagumpay na idinaos ang Board of Trustees Meeting ng apat na diocesan schools kasabay ng pagtatapos ng taong pampaaralan 2010-2011. Ang pagpupulong ay pinangunahan ng Lubhang Kgg. Reynaldo G. Evangelista, D.D., Obispo ng Boac at siya ring Pangulo ng BOT.

Unang nagkaroon ng pagpupulong sa Holy Infant Parochial School (HIPS) sa parokya ng Banal na Krus noong Marso 30. Masayang iniulat ng direktor na si Fr. Jovin Grimaldo ang magkasabay na pagtanggap ng opisyal na Recognition ng DepEd at ng pondong mula sa Stena Group, Chevron at PTC na nagkakahalaga ng Php432,400.00 ($10,000.00) para sa pagpapatuloy ng dalawang palapag na gusali ng paaralan.

Sinundan ito ng St. Joseph Academy sa Parokya ni San Jose ang Manggagawa sa Brgy. Napo noong Abril 1 sa pamamahala ng direktor at superintendent ng mga pandiyosesis na paaralan na si Fr. Edwin Sager. Isinagawa naman noong Abril 6 ang pagpupulong para sa Our Mother of Perpetual Succor Academy sa bayan ng Torrijos na nasa ilalim ng pamamahala ni Fr. Martin Puertollano. Ang Holy Child Parochial School sa Buenavista na pinamumunuan ni Fr. John Jovel Luna ay nagdaos naman ng BOT meeting noong Abril 13 matapos ang rekoleksyon ng mga kaparian ng diyosesis. Kasama sa pagpupulong ang mga direktor at punong guro ng paaralan at mga miyembro ng BOT na sina Msgr. Ramon Magdurulang, Fr. Elino Esplana (Secretary) at Fr. Pepito Perilla (Oeconomous).

Pinasalamatan naman ni Bp. Rey ang malasakit ng mga direktor sa pandiyosesis na paaralan at ipinahayag niya ang kahandaang sumuporta upang lalo pang mapalago ang mga diocesan schools.