Parokyano ni San Rafael, nag-pilgrimage sa Archdiocese of Lipa

Matagumpay ang naging pagbisita sa Batangas ng mga mananampalataya mula sa parokya ni San Rafael Arkanghel, Cawit, Boac noong ika- 16 hanggang 18 ng Marso, 2011. Pinuntahan nila ang mga pilgrim churches sa archdiocese ng Lipa.

Pinangunahan ng Lubhang Kgg. Reynaldo G. Evangelista, Obispo ng Boac ang nasabing pilgrimage, kasama sina Fr. Sat Rioveros, ang kasalukuyang lingkod pari at sina Fr. Pits Perilla at Msgr. Monching Magdurulang. Layunin ng pilrimage na ito, na makiisa sa mga mananampalataya ng Batangas sa kanilang pagdiriwang ng ika- 100 taong pagkakatatag bilang archdiocese.

Matatandaan na ang parokya ng San Rafael Arkanghel sa Cawit, Boac ay ang kaisa- isang parokya na naitatag habang nasa ilalim pa ng pangangalaga ng Archdiocese of Lipa ang probinsya.

Unang dinalaw ng grupo ang Parokya ni San Rafael Arkanghel sa Calaca, Batangas. Dito ay nagdaos ng Banal na Misa si Bp. Rey Evangelista kasama ang tatlong pari mula sa ating diocese at ang lingkod-pari ng San Rafael sa Calaca na si Fr. Aurelio Dimaapi.

Nagpasalamat ang nabanggit na lingkod pari sa pagdalaw ng grupo sa kanilang Simbahan. Ipinagkaloob rin niya ang isang imahen ni San Rafael bilang alaala ng pagdalaw sa parokya.

Dumalaw rin ang grupo sa iba pang pilgrim Churches kasama ang Shrine of Our Lady of Caysasay, Minor Basilica of St. Martin of Tours, Archdiocesan Shrine of St. Therese of the Child Jesus, Minor Basilica of the Immaculate Conception, Shrine of the Glorious Cross, St. Vincent Ferrer Parish, Shrine of our Mother of Perpetual Help, Monastery of Clarisas Capuchinas Sacramentarias, Metropolitan Cathedral of St. Sebastian, at ang Monastery of the Minim Nuns of St. Francis of Paola.

. Sa huling araw, nagdaos ng Banal na Misa ang Obispo Rey Evangelista sa Monastery of Our Lady of Mt. Carmel of Mary Mediatrix of All Grace. Naging makahulugan at mabiyaya ang nagdaang tatlong araw para sa mga mananampalatayang nakiisa sa pilgrimage. Nagpapasalamat rin sila sa kabutihang loob ng mga taong tumulong sa kanila upang maging matagumpay ang nasabing gawain.