Balik-Korupsyon

Pansinin natin, di ba’t umiikot lang ang balita? Tila walang natatapos na kaso at panay simula lang ang paglilitis at madalas pa’y nawawalan ng pasa ang sakripisyo ng ilang tao upang ibulgar ang katotohanan sa madla.

Ano na nga ba ang nangyari sa mga impeachment trials? Nasaan na ang kaso ng Fertilizer Scam, ZTE deal, Double murder case, Visconde massacre, Hello Garci Tape at iba’t iba pang kaso ng mga katiwalian o anumalya sa lipunan.

Nakakalungkot isipin na wala tayong pagbabago sa sistema ng hustisya at batas. Palaging tinatakpan ang nakikitang butas at ang umaalingasaw na kalapastanganan sa ating bayan at sa mamamayang Pilipino. Nasaan na nga ba ang dangal at pagpapahalaga na itinuto sa atin ng ating mga ninuno.

Salamat sapagkat may ilan pang natitirang magigiting at mga buhay na bayani na nagpapahalaga sa katotohanan at sa Bayan at buong tapang na nilalabanan ang katiwalian at korupsyon. Saludo tayo at humahanga sa lakas ng loob ni Haydee Mendoza na kamakailan lang ay pumailanlang sa MEDIA upang muling magsiwalat ng napakalaking mga ISDA sa AFP na siyang mga lintang humihithit sa napakalaking pondo ng gobyerno at ng ating mga tapat na sundalo na siyang nagsasakripisyo sa kabundukan habang ang nasa mataas na posisyon ay nagpapasasa at nagpapaginhawa sa yaman ng bayan.

Ang pagsisiwalat ni Mendoza ng katotohanang ito sang-ayon sa kanyang karanasan bilang Auditor ng AFP laban kay General Carlos Garcia ay isang napakalaking hamon sa kasalukuyang administrasyong PNOY upang i-reform ang AFP at tupdin ang kanilang isinisigaw noong nagdaang eleksyon; “Kung walang corrupt, walang mahirap!” Dito masusukat ang katapatan nila sa kanilang ipinangako at ang paninindigang inaasahan ng tao sa bagong administrasyon. Subalit kung ang mga bagay na ito’y pagtatakpan, isasaisang-tabi at palalampasin muli, sino pa ang susunod na maglalakas-loob na ilabas ang katotohanan upang buwagin ang katiwalian? Sino pa ang muling magtataya ng buhay para sa bayan tulad ni Mendoza?

Isang sinyales rin na maituturing ang ginawa ng dating Kalihim na si Anghelo Reyes matapos na siya magbaril sa sarili noong umaga ng Pebrero 8 matapos na siya ay maharap sa paglilitis sa pagkakasangkot sa 50 milyong PABAON nang siya ay magretire noong 2001 at sa 480 milyon na nawala sa AFP. Sa isang simpleng tao, madali lang maunawaan at ipaliwanag ang ganitong bagay. Una ay maaaring dahil sa kahihiyan at di pagtanggap ng paratang at pangalawa’y ang kanyang katapatan sa pagtatakip at ayaw niyang mandamay ng iba pang mga sangkot sa usaping korupsyon sa Pilipinas.

Di man tayo ang dapat humusga, nais lang nating bigyan ng diin ang kahalagahan ng isyung ito nang sa gayo’y magkaroon naman ng katapusan ang ating paikot-ikot balita, ang pabalik-balik na korupsyon sa Pilipuinas at nang mabigyan ng pagpapahalaga at mga tunay na bayani, ang mga tunay na sundalo, ang mga tunay na may kahihiyan at paninindigan. At madama ng bayan na nagpapahalaga ang Gobyerno sa KATAPATAN at KATOTOHANAN.