Tunay at Taimtim na Pagsisisi sa Mga Kasalanan na may Kalakip na Sakripisyo, Pananalangin, at Pagkakawang-gawa: Daan sa Pagpapakabanal At Pagiging Kalugud-lugod Natin sa Diyos

LIHAM PASTORAL BLG. 2
Serye 2011

Abril 11, 2011

Tunay at Taimtim na Pagsisisi sa Mga Kasalanan na may Kalakip na Sakripisyo, Pananalangin, at Pagkakawang-gawa: Daan sa Pagpapakabanal At Pagiging Kalugud-lugod Natin sa Diyos

 “Magisisi kayo nang taos sa puso, hindi pakitang tao lamang. Magbalik-loob kayo sa Panginoon na inyong Diyos, siya’y may magandang-loob at puspos ng awa.” (Joel 2:13)

Minamahal kong mga pari, mga madre, mga opisyales ng ating pamahalaan, mga Batayang Pamayang Kristiyano (BPK), mga kasapi ng Samahang Pangsimbahan, mga kabataan, Banal na Bayan ng Diyos:

Sa panahong ito ng Kuwaresma at mga Mahal na Araw, marapat lamang na pagtuunan natin ng panssin ang mga bagay na may kinalaman sa ating buhay pananampalataya. Naging bahagi na ng ating paggunita sa Pagpapakasakit, Pagkamatay at Muling Pagkabuhay ng Panginoon ang napakaraming mga kaugalian at pamamanata dito sa ating Diyosesis. Anupa’t ang bawat bayan at parokya ay kakikitaan ng kanya-kanyang tradisyon at paraan ng pagdiriwang ng Kuwaresma at mga Mahal na Araw o Semana Santa. Naririyan ang Pabasa (Pagbabasa ng Pasyong Mahal ng Panginoong Hesukristo), Nobisyo at Nobisya (kung saan ang mga namamanata ay sumasalilalim sa katesismo, pananalangin at pagsasakripisyo), Estasyon o Daan ng Krus, Osanahan sa Linggo ng Palaspas, Pagmo-Moryon (simula Lunes Santo hanggang Pasko ng Pagkabuhay), Senakulo, Pupuwa (pagsusuot ng itim na damit at pagpapaptong sa ulo ng dahon ng pupuwa o kabalwa), Bulating (isang sakripisyo sa pamamagitan ng paglalagay ng putik sa katawan), Pag-aantipo (lalo na sa mga bayan ng Gasan, Mogpog at Boac), Pagpapasan ng Krus ng ilang namamanata, at Prusisyon ng mga Imahen na nagpapaalaa-ala sa atin ng mga pangyayaring naganap sa Pagpapakasakit, Kamatayan at Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo.

Noong Miyerkules ng Abo, pumasok tayo sa banal na Panahon ng Kuwaresma sa pamamagitan ng pagtanggap ng abo sa ating mga noo. At habang inilalagay ang abo sa ating mga noo ay sinasabi ng pari “Magbagong-buhay ka at sa Mabuting Balita ay sumampalataya.” (Marcos 1:15). Simula noon ay palaging binibigyang diin ng Inyong Lingkod at ng mga pari sa ating mga pagninilay ang tatlong bagay: una, ang tunay at taimtim na pagsisisi sa ating mga kasalanan kalakip ang mga sakripisyo lalo na ang pag-aayuno at abstinensya para supilin ang mga hilig ng ating katawan; ikalawa, pananalangin lalo na ang palaging pagsisimba at pagbabasa ng Bibliya at pagninilay sa Salita ng Diyos; at ikatlo, ang pagkakawang-gawa lalo na ang pagkalinga sa mga dukha. Ang tatlong ito ang mga pangunahing gawain na itinuturo ng Inang Simbahan upang higit nating mapagnilayan ang Misteryo Paskuwal ng ating Panginoong Hesukristo, makamtan natin ang pagpapanibago ng ating puso, isip at kalooban at nang sa gayon ay tunay tayong maging karapat-dapat sa biyaya ng gawang pagliligtas ng Mesiyas na nag-alay ng Kanyang sarili sa Krus.

Tunay ngang napakayaman sa mga kaugalian at tradisyon ang ating Diyosesis –  mga kauglian at tradisyong makikita lamang taun-taon sa panahon ng Kuwaresma at Mga Mahal na Araw. Dahil dito, umuuwi dito sa Marinduque ang halos lahat ng ating mga kababayan taun-taon para tuparin ang mga pangakong sakrispisyo at pagnilayan ang yamang espirituwal ng mga banal na gawain sa panahon ng Semana Santa. Dinadayo rin tayo ng iba pang mga mananampalataya at ilang turista para masaksihan ang mga katangi-tangi at mayaman nating tradisyon. Di iilan sa kanila ang humanga, natuwa at natuto sa mga tradisyon nating ito. Subalit nakalulungkot na sa paglipas ng mga taon ay naging kapansin-pansin hindi lamang sa ating mga Marinduqueno kundi maging sa mga turista at mga panauhin na ang mga katangi-tangi at mayamang tradisyong ito ay dahan-dahang nahaluan ng panatisismo, superstisyon, pamahiin at maling pagpaparangal sa mga imahen na litaw sa mga prusisyon ng Miyerkules Santo at Biyernes Santo. Bunga nito, nawawala ang karampatang paggalang at pagpaparangal sa mga imaheng tulad ng Mahal na Birhen ng Dolorosa sa Mogpog, Santo Sepulkro sa Boac, Gasan at Sta. Cruz.

Bilang Obispo ng Diyosesis ng Boac at Pastol ng Panginoon sa bahaging ito ng mundo, nais ko pong bigyang-pansin at ituwid ang ilang maling kaisipan at gawain na may kaugnayan sa mayaman at katangi-tangi nating mga kaugalian sa Panahon ng Kuwaresma at mga Mahal na Araw:

1. Ang mga panatang binanggit ko na sa pasimula ng Liham Pastoral na ito tulad ng Pagmo-Moryon, antipo, pupuwa at iba pa ay magagandang paraan ng pagsasakripisyo upang magbayad-puri tayo sa ating mga kasalanang nagawa. Ang mga ito ay katangi-tanging gawain upang sa tunay na diwa ng pagsasakripisyo ay umangat tayo sa antas ng kabanalan. Subalit nakalulungkot na makita na ang dakilang sakripisyo o panatang ito na buong taimtim at kabanalang ginawa ng ating mga ninuno noong una pa man ay di na nagagawa ngayon nang maayos ng iba nating mga kapatid sa pananampalataya. May mga nagmo-Moryon ngayon na hindi panata ang pangunahing layunin kundi ang pagbibigay lugod sa mga turista. Ang Moriones na nagsimula pa noong taong 1807 ay orihinal na isang pamamanata o pagsasakripisyo at banal na gawain na pinasimulan ni Padre Dionisio Santiago. Huwag natin itong gawing basta “tourist attraction.” Lagi nating tandaan na ang mga gawain sa panahon ng Semana Santa ay hindi isang panoorin o drama! Ito’y mga gawaing pangkabanalan. Huwag sana nating balewalain ang mabigat na paala-ala sa Bibliya – “Paggalang na handog sa ‘kin ng bayan ko’y paimbabaw lamang sapagkat sa bibig at hindi sa puso ito bumubukal. Pagpuri’t pagsambang ginagawa nila’y walang kabuluhan, ang utos ng tao ay itinuturong utos ng Maykapal.” (Mateo 15:8-9)

Mahigpit ko pong ipinaaalaala lalo na sa mga magsasakripisyo sa Semana Santa na ang mas kalugud-lugod na gawain para sa Diyos ay ang magkumpisal at magbalik-loob sa Kanya. Ano ang saysay ng mga panlabas na sakripisyo at mga pasakit sa sarili kung hindi naman tayo nagpakumbaba at nagsisi sa ating mga kasalanan para tunay na mapatawad tayo ng Diyos sa ating mga pagkukulang sa Sakramento ng Kumpisal? Ang nais ng Diyos ay ang ating pusong malinis. Maging dalangin sana natin ang mula sa Aklat ng mga Awit 51:1-2  “Ako’y kaawaan, O mahal kong Diyos, sang-ayon sa iyong kagandahang-loob; mga kasalanan ko’y iyong pawiin, ayon din sa iyong pag-ibig sa akin! Linisin mo sana ang aking karumhan at ipatawad mo yaring kasalanan.” May mga Kumpisalang Bayan tayo sa ating mga parokya. Lumapit po tayo sa napakahalagang sakramentong ito.

2. Tungkol naman po sa prusisyon, ayon sa mga alituntuning liturhiko ng ating Simbahan, ang prusisyon ay isang katesismo, na sa pamamagitan ng hanay ng iba’t-ibang imahen ay ipinakikita at itinuturo sa atin ang mga yugto ng buhay at misyon ng ating Panginoong Hesuskristo. Kaya naman sinikap nating maiayos ang gawaing ito at ang mga imaheng kasama dito sa bawat araw na itinakda (Miyerkules Santo, Biyernes Santo at Linggo ng Muling Pagkabuhay sa Salubong). Nais nating ituro sa bawat mananampalataya ang tamang saloobin at disposisyon sa tuwing sasama sila sa prusisyon. Hinihikayat natin sila na magkaroon ng aktibo at malalim na pagninilay sa mga misteryo ng gawang pagliligtas ni Kristo. Subalit nakalulungkot tingnan na hanggang ngayon ay marami pa rin sa ating mga mananampalataya at may-ari ng mga paso ang para bang kulang sa pagkaunawa sa mga bagay na ito. Kaya naman mahigpit kong itinatagubilin sa lahat at bawat isang mananampalataya na sasama sa prusisyon ngayong Miyerkules at Biyernes Santo na igalang ang banal na gawaing ito. Kalakip ang inyong mga sakripisyo, buong taimtim tayong sumabay sa pananalangin ng rosaryo at pag-awit. Magsuot tayo ng maayos na damit. Iwasan nating maging sanhi ng anumang kaguluhan sa banal na gawaing ito. Tandaan nating mabuti na ang prusisyon ay hindi isang parada o okasyon para magkuwentuhan at magtawanan.  Hinihikayat ko po ang lahat ng mga Kura Paroko na maghanda ng sapat na sound system para may manguna sa pagrorosaryo sa iba’t-ibang bahagi ng prusisyon. Makiisa tayo sa pananalangin nang sa gayon ay maging kalugud-lugod sa Diyos ang ating ginagawa.

Mariin ko rin pong ipinagbabawal ang duplikasyon at dala-dalawang imahen na iisa ang tagpong ipinakikita. Ito ay labag sa Batas ng Liturhiya na ipinatutupad sa buong mundo ng Inang Simbahan at hindi basta pagbabawal ng Obispo. Ang mga kaguluhang naganap sa prusisyon noong nakalipas na taon ay nagpapakita ng kawalan ng paggalang sa mga imahen, lalo na sa Santo Sepulkro at Mahal na Birheng Dolorosa. Ito ay lubos kong ikinalulungkot at ipinagdarasal na huwag nang maulit muli. Ang lahat ng imahen na ipinuprusisyon ay pawang benditado at dahil dito, silang lahat ay sagrado. Sinumang tao na magwawalang-galang sa kanila ay nagkakasala. “Akala mo ba’y higit na magugustuhan ni Yahweh ang handog at hain kaysa pagsunod sa Kanya? Ang pagsunod sa Kanya ay higit pa sa haing taba ng tupa. Ang pagsuway sa Kanya ay kasinsama ng pangkukulam, at ang katigasan ng ulo’y tulad ng pagsamba sa diyus-diyosan.” (1 Sam. 15:22-23a)

Ang napakaganda at lalong kalaugud-lugod sa Diyos na puwede nating gawin sa darating na mga araw, higit pa sa mga panata ay ang pagtulong sa iba lalo na sa mga dukha. Ang pag-ibig sa kapwa ay mas mataas na uri ng kabanalan kaysa personal na pamamanata. Sinasabi rin sa Sulat sa mga Hebreo – “Kaya’t lagi tayong maghandog ng hain ng pagpupuri sa Diyos sa pamamagitan ni Hesus – pagpupuring nagpapahayag ng ating pagkilala sa Kanyang pangalan. At huwag nating kaligtaan ang paggawa ng mabuti at ang pagtulong sa iba sapagkat iyan ang haing kinalulugdan ng  Diyos.” (Hebreo 13: 15-16)

3. Marami pa rin sa ating mga mananampalataya ang naniniwala sa mga anting-anting lalo na kung Biyernes Santo. Ang ilan ay nagpuprusisyon upang makakuha lamang ng bulaklak mula sa mga paso, lalo na sa karo ng Mahal na Birheng Dolorosa at kapirasong lubid mula sa Santo Sepulkro sa paniniwalang ito ay magbibigay ng swerte sa kanilang hanap-buhay at sa iba pa nilang pangangailangan. Hindi po totoo ito! Sa mga nagpuprusisyon na ganito ang hangarin, nakapagdudulot lamang kayo ng kaguluhan. Nasaksihan ko po mismo nitong nakaraang mga taon ang ganitong mga pangyayari – naaantala ang daloy ng prusisyon, maingay at may mga sigawan sa halip na magdasal, natatakot ang ibang mga tao, at nawawalan ng paggalang maging sa tahanan ng Diyos lalo na sa pagtatapos ng prusisyon. Mismong napakaraming nakasaksi na nitong nakaraang taon, pagpasok ng Santo Sepulkro sa Katedral ng Inmaculada Concepcion ay agawang-agawan sa lubid at kanya-kanyang putol dito ang mga kalalakihan  kahit ang iba’y masaktan. May naglagay pa ng kapirasong lubid sa bukas na tabernakulo sa altar.  Nakapangingilabot ang ganitong pangyayari!  Sa Parokya naman ni San Isidro Labrador sa Mogpog ay halos mahubaran ang imahen ng Mahal na Birheng Dolorosa sa pag-aagawan ng ilang mga kabataan na makalapit dito at makakuha rin ng mga bulaklak maging sa loob ng Simbahan.  Sa Parokya ng Banal na Krus sa Sta. Cruz ay nagkasira-sira ang ilang upuan ng simbahan pagpasok ng prusisyon.

Ang pag-aanting-anting ay mortal na kasalanan at labag sa Unang Utos ng Diyos! Huwag na sanang maulit ang ganitong mga pangyayari.  Ang paala-ala ni San Pablo Apostol ay ganito: “Alisin ninyo ang lumang lebadura, ang kasalanan, upang kayo’y maging malinis. Sa gayon, matutulad kayo sa isang bagong masa na walang lebadura – at ganyan nga kayo. Sapagkat naihandog na ang ating korderong pampaskuwa na si Kristo. Kaya’t ipagdiwang natin ang paskuwa, ngunit hindi sa pamamagitan ng tinapay na may lumang lebadura ng kasamaan at kahalayan, kundi sa pamamagitan ng tinapay na walang lebadura sagisag ng kalinisan at katapatan.” (1 Cor. 5:7-8)

Bilang pagtatapos, nais ko pong bigyan ng diin na ang ating mga gawain sa panahon ng Kuwaresma at Semana Santa – ang pag-aayuno, pagsasakripisyo,  pagtupad ng mga panata, pagkakawang-gawa at pananalangin ay dapat magdulot sa atin ng panibagong lakas at inspirasyon upang patuloy tayong makipagkaisa sa sakripisyo ni Kristo sa Krus at makabahagi rin naman tayo sa Kanyang tagumpay, ang Muling Pagkabuhay. Gawin nating taimtim at tunay ang ating pakikipag-ugnay sa Diyos.

“Manalangin kayo, nang hindi kayo madaig ng tukso.” (Lukas 22:40) Makamtan sana natin ang tunay na kabanalan sa lahat nating mga gawain ngayong Semana Santa. Ang paalaa-ala ni San Pablo Apostol sa atin ay ganito – “Maging matiyaga sa pananalangin… lumayo kayo sa lahat ng uri ng kasamaan. Nawa’y lubusan kayong pabanalin ng Diyos, na siyang nagbibigay ng kapayapaan. At nawa’y panatilihin Niyang walang kapintasan ang buo ninyong katauhan – ang espiritu, kaluluwa at katawan – hanggang sa pagparito ng ating Panginoong Hesukristo.” (1 Tess 5:17, 22-24)

Pagpalain nawa kayo ng Poong Maykapal ngayon at kalian man!

+REYNALDO G. EVANGELISTA, D.D.
Obispo ng Boac