SCMEA, Champion sa HIPS Anniversary Cup

Sta. Cruz, Marinduque – Nasungkit ng Sta. Cruz Municipal Employees Association (SCMEA) ang kampeonato kontra sa mga Police (SCMPS) sa idinaos na Holy Infant Parochial School (HIPS) Anniversary Cup 2011.

Ang pasinaya ay kaugnay ng pagdiriwang ng ika-37 Anibersaryo ng pagkakatatag ng nabanggit na Parochial School.

Noong Pebrero 1, isinagawa sa Plaza Rizal ng bayan ng Sta. Cruz ang pagbubukas ng paligsahan na kinabibilangan ng mga koponan ng HIPS FATHERS (mga magulang ng magaaral ng Prochial School), GOALERS, SCMPS (ang grupo ng PNP), at SCMEA.

Nagkaroon din ng mga individual games tulad ng 3-point shoot-out, buzzer- beater, at two-on-two. Nakuha naman ng PNP ang Best in Uniform at ibinigay din sa mga natatanging manlalaro ang mga tropeo ng pagkilala matapos ang Exhibition Game ng SCMEA at Boac Clergy noong Pebrero 17 na pinagwagian ng huli.

Sama-sama ring nagdiwang ang mga guro, magulang at mga mag-aaral sa dalawang araw na pasinaya noong Pebrero 18-19.

Isinagawa sa unang araw ang Misa Pasasalamat at Cultural Presentation. Sa ikalawang araw naman ang Sports Festival ng mga magulang sa Munisipal Gymnasium.

Ang Holy Infant School ay itinatag noong 1974 sa pamamahala ng mga madreng MCST bilang Kindergarten School bago tuluyang maging ganap na Diocesan Elementary School. Sa kasalukuyan, mayroon nang grade 5 ang paaralan at inihahanda na rin ang silid-aralan para sa grade 6 sa susunod na taon.