Tree Planting, pinangunahan ng Obispo

Tungib, Buenavista – Naglunsad ng isang malawakang Tree Planting Activity ang Diyosesis ng Boac sa pangunguna ng Lubhang Kgg. Reynaldo Evangelista, obispo ng Boac, sa Lupain ng Diyosesis sa Barangay Tungib, Buenavista, Marinduque. Ito ay naglalayon na makatulong ang pagpapatanim ng puno sa lugar ng Lipata at gayun din sa pandaigdigang suliranin ng Global Warming.

Ang mga punla  na isang libong (1,000) Mahogany at isang libo’t limang daang (1,500) Narra ay nagmula sa Kagawaran ng Agrikultura sa pamamagitan ni Provincial Officer Luz D. Pedernal. Hindi din matawaran ang naging papel ng DPWH sa pakikiisa ng kasalukuyan nitong District Engineer na si G. Tiburcio Canlas sa pamamagitan ng pagpapagamit ng mga dump trucks sa ilang beses ding paghahatid ng ilang mga estudyante ng MSC-NSTP na nakilahok sa paglilinis ng lugar at sa paghahakot ng mga narra at mahogany seedlings mula sa nursery ng Dept. of Agriculture sa Boac patungo sa Brgy Tungib.

Nagsimula ang nasabing gawain mula pagbabakod at paglilinis noong unang linggo ng Setyembre at nagpapatuloy hanggang sa ngayon. Tinatayang may dalawang libong puno na ang naitanim sa nasabing lupain ngayong unang linggo pa lamang ng Oktubre 2010.

Patuloy ang proyektong ito sa pakikipagtulungan ng Dept of Agriculture at DPWH. Inaasahang sa mga darating pang buwan ay madadagdagan pa ang mga punong itatanim  sa nasabing lupain. Ipinahayag ng DPWH sa pamamagitan ni G. Canlas ang kanilang buong suporta sa gawaing ito ng diyosesis.