Ang Musika at ang Liturhiya

Ang MUSIKA ay may mahalagang bahagi sa buhay ng isang tao, sapagkat sinasalamin nito sa bawat titik at tunog kung ano ang nilalaman ng kanyang puso. Ito ay isang malayang pagpapahayag ng kanyang damdamin at saloobin, kung siya ay nalulungkot o kung siya man ay masaya. Sinasalamin rin nito ang ukol sa pag-ibig, pag-asa at pananampalataya, sa pamamagitan ng mga awiting makabayan, makatao, maka-kalikasan at maka-Diyos. Sa pamamagitan rin ng titik at musika, pinupukaw nito ang damdamin ng isang tao, pinalalakas ang loob, binibigyan ng inspirasyon at higit na pinasisigla. Ito ang dahilan kung bakit sa panahon natin ngayon, iba’t-ibang uri na ng mga awitin ang sumisikat na ating napapakinggan batay na rin sa panahon at pangyayari sa buhay ng isang tao.

Maging ang ating Inang Simbahan ay hindi nalalayo sa ganitong sitwasyon, sapagkat ang mga banal na awit at musika ay gumaganyak sa mga mananampalataya upang gawing masigla at solemne ang pagdiriwang ng mga Liturhiya. Katulad ng hinihingi sa Ikalawang Konsilyo Vatikano, sa Dokumento ng Sacrosanctum Concilium, blg. 14, “Gawing masigla at aktibo ang mga mananampalataya sa kanilang pakiki-isa sa mga pang-liturhiyang gawain (full, conscious and active participation of the faithful). Naipahahayag ito sa pamamagitan ng paglilingkod at pakiki-isa nila sa bawat kilos, galaw at gawain ng pagdiriwang ng Liturhiya: katulad ng pakikinig sa mga pagbasa, pakikinig sa homiliya, at pagsasagawa ng mga kilos, tulad ng pagluhod, pagtayo, pagsagot sa pagdiriwang at pag-awit ng Liturhiya”.

Bilang tugon sa panawagan ito ng Simbahan, ang ating Diyosesis sa kanyang Unang Sinudo ay may natatanging dekreto ukol sa liturhiya at musika. Isinasaad sa blg. 29, “Pasiglahin at suportahan ng pari at sambayanan ang koro bilang mahalagang sangkap sa Banal na pagdiriwang” at blg. 58, “Magsanay ng mga awiting Liturhikal at maghanay ng mga awiting angkop sa pagdiriwang”.

Ang mga Dokumento at Dekretong ito ay nagpapahayag na ang musika ay may mahalagang papel na ginagampanan sa pagdiriwang ng Liturhiya. Ayon sa Musicam Sacram blg. 5, Ang isang Liturhikal na pagtitipon ay lalong nagiging banal kung ang mga bawat ritwal ay ginaganap ng may pag-awit… nararating nito ang higit na pagbubuklod ng mga puso sa pamamagitan ng pagbubuklod ng mga tinig. Kaugnay nito, dapat nating tandaan na ang musikang pang Liturhiya ay may sariling kakanyahan, at ito ay natatangi at higit sa mga awiting banal o mga awiting pang-simbahan. Hindi ito katulad ng mga awiting sekular na kadalasan nating napakikinggan at inaawit sa mga Banal na Pagdiriwang dahil sa ito ay personal lamang nating nagustuhan. Ayon kay Fr. Manoling Francisco, S.J, “Hindi lahat ng mga awitin na kanyang nilikha na kadalasan nating napakikinggan sa kanyang CD ay maaari nating awitin sa pagdiriwang ng Banal na Misa, sapagkat ilan sa mga ito ay inspirational songs na kanyang nilikha para lamang sa isang konsyerto”. Nanganaghulugan lamang ito na hindi lahat ng awiting tumutukoy sa Diyos at pananampalataya ay maaring awitin sa pagdiriwang ng Liturhiya o Banal na Misa. Kung kaya’t upang maiwasan ang ganitong sitwasyon, mas makabubuti kung susundin ang mga awit na nakatakda sa pang-Diocesis na gabay sa pag-awit dahil ang mga ito ay iniaangkop sa pagdiriwang at taon ng Liturhiya. Sa pagpili ng mga awit, isinasaalang-alang din nito ang TAON NG LITURHIYA, hindi lamang ang angkop ang liriko nito kundi iniaakma rin ang uri ng musika at tiyempo nito sa panahon at okasyon ng pagdiriwang. Dapat ring tandaan na sa mga awiting pansaliw sa mga kilos ng liturhiya tulad ng pambungad, pag-aalay at komunyon ay dapat tapusin kapag tapos na rin ang inaagapayanang kilos, upang maiwasan ang paglilingkod o paghihintay ng Liturhiya sa ginagawang pag-awit.

Tunay na ang Musika ay may mahalagang bahagi sa buhay ng tao at sa buhay n gating Inang-Simbahan, sapagkat sa pamamagitan nito, malaya nating naipahahayag ang ating damdamin at saloobin. Kung kaya’t sa mga Banal na pagdiriwang, lalo na ang Banal na Eukaristiya ay mas nagiging matindi kung sa ating ginagawang pagsamba tayo ay umaawit. ‘He who sings well, prays twice”. Nasasalamin ito sa bawat kilos at galaw at higit na naipadarama kung ang bawat tinig natin bilang mga mananampalataya ay umaalingaw-ngaw sa pagsamba at pagpupuri sa Diyos.

Sa susunod na issue, abangan naman natin ang mahalagang papel na ginagampanan ng KORO sa pag-awit sa mga LITURHIYANG PAGDIRIWANG.