Sister Al, Pangmagpakailanmang Panata sa Diyos

Buenavista, Marinduque – Matagumpay na idinaos ang Solemn Perpetual Profession ni Sister Maria Alfonsa y Anabieza, HHT noong Oktubre 02, 2010, kasabay ng kapistahan ng mga Anghel Na Banal sa Parokya ng Batang si Hesus, Buenavista.

Ang nasabing okasyon ay pinasimulan sa pagpapahayag ng Pananampalataya na isinagawa ni Sr. Alfonsa, ganap na 8:30 ng umaga sa harapan ng kanyang superior na si Mo. Virginia I. Mercado, HHT. Isinunod dito ang pagbabasa at paglagda niya ng formularyo para sa panghabangbuhay na panata na sinundan naman ng Pagdiriwang ng Banal na Misa sa pangunguna ng Lubhang Kgg. Reynaldo G. Evangelista, Obispo ng Boac kasama ang ilang kaparian ng Diyosesis.

Kasamang nakiisa sa Perpetual Pofession ni Sister Maria Alfonsa ang kaniyang pamilya, mga kapatid niyang madre na nagmula sa ibat- ibang mission houses sa Pilipinas, ganundin ang mga ibat-ibang kongregasyon tulad ng RVM, MCST, MSLBA, ang kaparian ng Diyosesis, mga namumuno sa pamahalaang lokal at mga taong nagmula pa sa ibat ibang lugar.

Isinagawa ang tradisyunal na putong sa mga bisitang dumalo sa pagdiriwang.

Masaganang pananghalian ang pinagsaluhan ng mga taong dumalo sa napakahalagang pagdiriwang ng Perpetual Profession. Lubos naman ang pasasalamat ni Sister Al sa lahat ng mga taong tumulong, dumalo at nakiisa sa araw ng Pag-ako ng Pang Magpakailanmang Panata sa DIYOS ni Sister Maria Alfonsa Estose, HHT.